(Alaala mula sa isang pag-ibig! Unang nalathala sa The Torch Isabelan, December-January 2004 issue)

Ano ba?! Iiyak ka na lamang ba riyan? Ilang oras ka ng nakaupo riyan a? Ilang oras ka na ring umiiyak. Balde-balde na ang iniluha mo.

Baka bumaha, sige ka, tignan mo nga yang dala mong panyo, basang basa na, pwede ba? Tigilan mo na yang pag-iyak-iyak mo, pati tuloy ako naiiyak na rin, wala pa naman akong dalang panyo. Saka ayoko pa namang nakikita kang malungkot, ayokong nakikita kang umiiyak, pero malay ko na kung tears of joy yang mga luhang yan, pero hindi naman siguro, sana lang ha…sana…

Talaga bang hindi ka talaga titigil diyan? Sige, kapag nainis ako sa iyo, baka iwan na lang kita rito. Bibilangan kita: isa, dalawa, tatlo, apat, lima, anim, pito, take note hanggang sampu lang ‘tong bilang ko, walo, siyam, siyam at kalahati, siyam at kalahati ng kalahati.

Hay naku! Tigil na nga lang ako, wa epek din lang ang kahihinatnan ng pagbibilang ko. Para akong grade one na nagbibilang dito, tapos ikaw tuloy pa rin sa pag-iyak-iyak riyan. Daig mo pa sina Nora Aunor at Vilma Santos ‘pag nagdradrama.

Hmmm… Teka, ilang taon na ba tayong nagsasama? Nagsasama bilang magkaibigan ang tinutukoy ko a, Aba! Matagal-tagal na rin pala ‘no, limang taon, limang taon ng saya at lungkot, limang taon ng inis at ngiti, limang taon ng away at bati, limang taon ng ewan…

Matagal tagal na rin pala, kaya siguro alam mo na, na kahit anung gawin mo ay di kita iiwan dito lalo pat nag-iisa ka. Antanga ko talaga, di ko naisip yon kanina pa, ikaw siguro naisip mo kaagad kaya malakas angh loob mong umiyak-iyak pa rin.

Sige na nga. Hahayaan na lang kita sa pag-iyak mo. Kasi sabi nila, magandang ilabas daw ang luha, nakarerelax, nakababawas ng sama ng loob.

Umaasa akong mauubos din yang mga luha mo o dili naman kaya ay humangin ng malakas at mapuwing ka at ang puwing na yan ay bumara riyan sa pinanggagalingan ng luha mo, para matigil na rin yang pag-iyak-iyak mo at mabawasan na rin ang aking pag-aalala.

Pero teka, teka muna, wala ka bang napapansin? Hindi ka ba naninibago? Hmp…parang baliktad ata? Bakit ikaw ang umiiyak,? di ba dapat ako? At nag-iissa ka pa ha, at ano naman yang drama mo? Ala-Sharon Cuneta o Maricel Soriano? Bat ganyan ang suot mo?

Para kang makikipaglibing. Siguro kung hindi kita kilala, sasabihin kong blak ang paborito mong kolor at hindi pink. Pero alam mo bang ang blak daw ay hindi kolor, kung bakit ay hindi ko alam, o kung totoo man ito o hindi ay huwag mo ng itanong at hindi ko rin alam at ayaw ko ng alamin. Okey hindi ko na pakikialaman yang suot mo, baka sabihin mo na namang pakialamero ako.

Baka sabihin mo na namang para akong imbestigador na lahat ng anggulo at gulo ng iyong buhay ay inuukilkil. Alam kong hindi maganda ang ibig mong sabihin dun, pero inaari ko na lamang iyong isang magandang komplimento.

Balik tayo sa tinatanong ko. Ano ba talaga ang dahilan kung bakit ka naririto? Huwag mong sabihing mahal mo na ako, na kagabi ay bigla na lang tumibok ang puso mo at nagulat ka nang pakinggan mo ito’t malaman na ang itinitibok na niyang puso mo ay ako na.

Hay naku, nangangarap na naman ako.

“Hoy ako, gumising ka nga!”

O bakit ka tumigil diyan sa pag-iyak-iyak mo? Siguro, naubos na rin yang mga luha mo, e kanina ka pa kasi riyan e. Sinusuway ka, ayaw mo namang makinig.

Tingnan mo nga yang mga mata mo, mugtung-mugto na. Siguro ang dahilan pagpunta mo rito ay dahil sa gusto mong sabihin at ipamukha sa akin na hindi ka pumunta rito dahil namimis mo ako at lalong hindi dahil mahal mo ako.

Tanggap ko naman yun e, tanggap ko ng bukal sa loob, na hindi mo ako mahal, na hindi mo ako  kayang mahalin, na hindi mo ako pwedeng mahalin, kahit masakit yon, tanggap ko, kahit parang mawawarat ang puso ko.

Pero mas matatanggap ko sigurong hindi mo ako mahal kung sasabihin mo sa akin yon ng personal, ng harap-harapan, ng deretsahan. Hindi iyong kung anu-anong dahilan ang idinadahilan mo sa tuwing magtatanong ako. Pakiramdam ko tuloy e naglolokohan lang tayo. Yung bang pakiramdam na nakikipaglokohan ako sa taong hindi ko naman niloloko at kailan ma’y di ko kayang lokohin.

Ano nga ba ang mga dahilan mo?

Ah, sabi mo ay bata ka pa. Bakit? Bawal bang umibig ang mga bata? Bente tres ka na, bata ka pa ba niyan, saka tingin ko,  talagang magiging bata ka kahit umabot ka pa ng nobenta dahil hangga’t hindi mo iniiwan at tinatanggap ang katotohanang lahat ng tao ay tumatanda ay mananatili ka ngnag bata, maliban na lamang kung isa ka sa mga maraming taong tumatanda ng paurong, saklap non. At saka kung iyon ang problema mo ay maanong hintayin kong tumanda ka, pero huwag sana yung matandang-matanda na, na uugud-ugod. Pero kung yun ang gusto mo, e di maghihintay ako, yun ay kung gusto mong  maghintay ako.

Sabi mo pa hindi tayo pwede dahil magkaiba ang ating relihiyon. E, maano ba kung magkaiba tayo ng relihiyon. Simple lang naman ang sulusyon diyan, paano? Tatanungin mo ako,  e di mag-iba ka ng relihiyon kung talagnag mahal mo nga ako, at kung hindi talaga pwede ay di ako ang mag-si-shift ng relihiyon para wala ka ng maraming dahilan pa.

Oo, para sayo ay kaya kong gawin ‘yon. Hindi naman kasi ito kuwestiyon ng relihiyon, kundi kuwestiyon ng pag-ibig. Minsan nga naisip ko, ano kaya kung bumaba rito sa lupa si Kristo? Sasabihin Niya kaya sa mga tao kapag nangaral Siyang muli ang ganito?

“Ikaw, kayo, hindi niyo pwedeng mahalin si ganito, kasi magkaiba kayo ng relihiyon, hindi niyo pwedeng mahalin ang kapwa ninyo dahil hindi kayo magkapareho ng pinananiniwalaan, ang mahalin lang ninyo ay ang mga taong karelihiyon ninyo.”

Lagot, kung ganon din lang ang mangyayari, e parang sinabi na rin niyang bawal ang magmahal, na walang gamit ang puso kundi ang mag-proseso lang nang magproseso ng dugo, ng dugong dadaloy sa katawan ng tao upang mabuhay lamang, na oo nga’t buhay ay para namang buhay na bangkay.

Siguro, kung ganon nga ang magyayari ay malamang na itakwil siya ng Kanyang Ama na ating Ama, kasi diba ang gusto niya at utos niya ay magmahalan tayo, kaya nga ibinigay Niya si Kristo, na katulad Niya’y mapagmahal din, upang maging halimbawa.

Pero alam ko namang hindi niya iyon gagawin, dahil unang-una, hindi niya iyon magawa at taliwas sa kanyang turo.

Pero naniniwala ka bang hindi natin maaaring piliin at hiindi dapat natin pinipili ang mga taong gusto nating mahalin.

Sa pag-ibig natin, o mas akma sigurong sabihing sa pag-ibig ko sa iyo, ganito iyon:

Kung kanino tumibok ang puso’y wala tayong magagawa, hindi natin maaaring sabihin na piliin niya ang tiinitibukan niya. Kung sa batas siguro natin ay maaaring tawagin itong paglabag sa tinatawag na kalayaan, kalayaan sa pagpili.

Hay naku, bakit ba kasi pilit iniiba-iba ng tao ang sarili sa kapwa niya tao gayong pare-pareho lang naman tayong tao?

Tuloy ang nangyayari ay magkakaiba tayong mga pare-pareho at mga pare-pareho tayong nagkakaiba-iba-iba.

Saka duon sa pag-shi-shift ko ng relihiyon, gagawin ko lang iyon kung sasabihin mo sa akin, pero paano ko naman gagawin iyon kung wala ka naming sinasabi. Baka isipin ng ibang tao na ipinagsisiksikan ko ang sarili ko sa iyo, pero ang totoo ay wala naman akong pakialam sa isipin at sabihin nila, ang mahirap at inaalala ko ay ang iiisipin at sasabihin mo.

Baka kasi sabihin mong ipinagsisiksikan ko ang sarili ko sayo. Hindi a, tingin ko ay hindi naman iyon maaaring mangyari, kasi possible ba iyong ipagsiksikan ko ang sarili ko sa taong kumakatok ka pa lang ay ipinagtatabuyan ka na?

Ano pa nga ba ang mga dahilan mo?

Iba-iba, kung anu-ano, ewan ko ba kung saan-saan mo napulot ang mga iyon, o kung sinu-sinung kayang tao ang nagbulong sayo. Bakit kasi di mo pa ako diretsahin? Habang pinatatagal mo kasi ay lalo mo lamang akong pinaaasa, na maaaring sa bandang huli’y bibiguin mo rin lang pala. Masakit umasa at mabigo, alam mo yan, pero mas masakit kung umasa ka nang umasa sa matagal na panahon, tapos mabibigo ka rin lang pala. Pakiramdam non ay parang pinaglaruan ka lamang, na pagkatapos kang pagsawaan ay itatapon ka na lamang dahil sa wala ka nang silbi sa kanila. Ansakit-sakit siguro non, ano? Ikaw,gusto mo bang mangyari sa ‘yo iyon?

Siyempre hindi, maliban na lamang kung nababaliw ka na. Pero kahit baliw alam kong hindi gugustuhin iyon.

Pero alam mo, hindi ko kaailan man inasam na marinig mula sa iyo ang mga katagang iyon. Anggulo ko ano? Hinihintay-hintay ko tapos ayaw ko rin lang naman palang marinig. Pero sabihin mo nga sa akin, kasalanan ko ba kung bakit hanggang ngayon ay mahal na mahal pa rin kita?

Minsan  tuloy naisip ko, ano kaya kung ako na lang ang magsabi niyon sa iyo, na hindi kita mahal, para hindi ka na makunsensiya pa, parang iyong sinasabi sa kanta ni Jimmy Bondoc, yung “Let me be the one to break it up, so you wont have to make excuses”

Di ba minsan, nabanggit mo sakin na na gustung-gusto mo iyon, pero paano ko naman ibe-break ang di naman nabuo, at bakit ko naman sasabihin ang hindi totoo. Aba, kahit mas mataas itong bibig ko kaysa sa puso ko, utus-utusan lang ito ng puso ko. Siguro, saka ko lang masasabi iyon kapag patay na ang puso ko, ibig sabihin, kapag dedbol na ako.

Saka nga pala, naaalala mo ba minsan, ng ihatid kita sa inyo, sa boarding haose niyo. Narinig mo ba ang mga patutsada ng mga taong magaganda at gwapo? Yung sinasabi nilang tayo raw ay bagay na bagay sa isa’t isa tulad nina “Beauty at Beast,”

kunsabagay, totoo naman yun e, kasi totoong beauty ka at may bumubuntot sa yong palagi, ako, si beast daw. Para akong binatukan ng ilang beses. Di naman kasi nila kailangang sabihin sa akin na pangit ako, kasi alam ko na iyon, matagal na.

Kunsabagay, kasalanan ko nga rin siguro, di ko kasi sinunod ang payo sa kanta ni Andre E.

“Humanap ka nang pangit at ibigin mong tunay”

O sa aking sitwasyon siguro ay ganito:

“Humanap ka ng kapwa mo pangit at ibigin mong tunay.”

Ilang beses ko pa bang kailangang ikatwiran na hindi kasalanan ang magmahal?

Siguro ang ibig lang nilang sabihin ay hindi ako nababagy sayo.

Pero hindi ba, man is equal regardless of color, race, religion, gender, napag-aralan pa nga natin yun e, pero nagtataka ako, bakit wala yung regardless of face value o physical appearance kaya. A ewan. Kasalanan ko nga siguro, pangako ko kasi sa sarili ko na saka lang ako magmamahal  kapag mayroon na akong maipagmamalaki at sa  kauri ko. Bakit hindi ko nagawa?

Tama nga siguro ang kasabihang, promises are made to be broken, pero naputsa, masarap din palang kainin ang sariling salita paminsan-minsan.

O, o, huwag mong sasabihing iiyak ka na naman. Alalalahanin mo, iisa lang yang dala mong panyo, at basa na iyan…ay naku at umiyak nga…siguro, may umiwan na naman sayo na mahal mo sa buhay?

Ikuwento mo nga sa akin, sino sa kanila? Hindi naman pwedeng ang nanay mo, o ang sir mo, kasi sila lang naman ang mahal mong umalis na dinadamdam mo ang pag-alis at iniiyakan mo. At saka di ba sinabi ko naman sayo na kailangan mong tanggapin ang katotohanan ng pag-alis nila.

Tignan mo ang ibon na nakakulong sa boarding haose ninyo, masaya kayong lahat na nandiyan siya, pinapakain, inaalagaan, pero ano kaya ang pakiramdam niya habang nakikita ang ibang ibon na malayang nakalilipad sa kalawakan samantalanbg siya ay nakakulong, di malaya?

Ikaw talaga oo, andito naman ako e, habang gusto mo akong kasama, sasamahan kita, kahit pa siguro ayaw mo na akong kasama ay sasamahan pa rin kita. Andito lang ako sa tabi mo, hinding-hindi kita iiwan, pangako. At saka di ba nagpaalam na ako sa yo minsan, pero hindi ako umalis, di kita nilisan, simple lang ang dahilan, dahil mahal kita.

Saka yung mga mahal mong umiwan sa iyo, alam ko babalik ang mga iyon. Bakit ko alam? Simpleng logic lang yan, umalis sila upang bumalik, pero ako, hindi ako babalik sa yo, kasi, paano babalik ang hindi naman lumilisan, paano kita babalikan kung di nga kita iniiwanan at maiwan-iwan?

Naku, naku, grabe na yata ang sitwasyon mo, pang heavy drama, o talagang hopeless case ka na? Hahaha, ang pangit mong pagmasdan, lam mo ba yun?

Wa epek pa rin.

Lam ko na, kapag umiyak ka pa riyan, magkakaroon ka ng eye bag, at kapag nagkaroon ka ng eye bag, siyempre, lalalim yan, lalaki hanggang sa yang eye bag mo na lang ang ,maging laman niyang mukha mo, gusto mo ba yun. Sige, bahala ka. At kapag hindi ka pa tumigil diyan, siyempre unti-unting mawawala ang kagandahan mo hanggang sa tuluyang bumagay sa ‘yo ang salitang pangit. Tapos kapag naging ganyan ka na, mahihiya ka ng pumasok sa iskul, hindi na matutupad ang pangarap mong maging isang titser, tapos maghihirap ka, tapos……

Hay naku, ang hirap mong patigilin sa pag-iyak, o sige, ganito na lang, kukwentuhan na lang kita, pero ano bang ikukwento ko sa iyo?

Wala namang maganda sa buhay ko, kung meron man akong maituturing na maganda’y ang pagkakakilala ko sa ‘yo at ang pag-ibig ko sa iyo, yun lang. Yun lang naman ang mga itinuturing kong magandang nangyari sa pangit kong buhay. Buti nga at nakilala kita, kung hindi siguro ay puro na lang kapangitan ang aking buhay, idagdag pang pangit na nga lang ako.

Kasi naman, maituturing mo bang maganda ang buhay na hindi mo naman alam kung saan at kanino ka nagmula?

Oo, ampon ako, iaamin ko, wala naman kasing masama sa pagiging ampon. Napulot sa isang basurahan, inalaagaan, pinalaki at ng maari ng pakinabangan ay inalila na. Hindi ko alam kung sino ang mga tunay kong magulang, kung meron ba akong kapatid, kung kamukha ko ba sila (sana hindi). Ang hirap hirap ng ganito alam mo ba? Pakiramdam koy para akong troso na naanood sa kasgsagan ng malakas na pagbagyo, walang direksyion, yun bang pakiramdam na nag-iisa ka na lamang palagi, di mo alam kung saan ka pupunta, di mo kilala ang iyong pinagmulan,parang bansang walang kasysayan, na basta na lamang nandiyan…kung minsan nga di ko alam kung paano ang magpatuloy. Sinubukan ko namang hanapin ang nawawalang bahagi ng aking pagkatao, pero bigo ako, yung pakiramdam ko ay naghanap ako ng wala naman talaga akong hinahanap.

Ikaw? Kung ikaw ang nasa kalagayan ko, paano mo haharapin ang bukas kung wala ka namang nakaraan? Di ba ang nakaraan ang magiging tulay sa kinabukasan? Sa tingin mo , magkakaroon pa kaya ako ng magandang bukas kahit di ko naman alam ang aking nakaraan?

Siguro tama ka rin sa sinabi mo sa akin minsan, na sapat na siguro ang nakaraan ko para harapin at hanapin ang aking bukas…sapat na siguro iyon…sana nga…

Pero teka, teka lang ha, ano nga ba talaga ang dahilan kung bakit ka naririto? Teka, nasaan ba tayo? Teka lang ha, naguuguluhan ako, paano ba ako napunta rito? At ikaw?

Hmpp. Alalahanin ko, isip,,,isip…isip…at isip pa…

Teka, alam ko na, natatandaan ko na, kahapon ay magkasama pa tayo, di ba? Ang saya saya pa natin. Binigyan pa nga kita ng bulaklak ng kangkong, ewan ko kung saan ko ba nadampot iyon, akala ko pa nga ay hindi mo kukunin pero tinanggap mo naman kahit pabiro ko lang iniabot sa yo, nakangiti ka pa nga at sinabi mong kung ikaw ay  magbibigay ng bulaklak sa taong mahal mo ay pipiliin mo ang bulaklak ng kalabasa, upang mapakinabangan pa niya dahil maaari niya itong lutuin at ulamin…

Nagkatawanan pa nga tayo e, ang saya saya natin sa pagbibiruang iyon, at sa unang pagkakataon ay nakita ko ang kislap sa iyong mga mata….para akong nananaginip ng gising at tulog…

Tapos bigla ka na lang natahimik, naglahong bigla ang mga ngiti sa yong labi. Bumalatay sa yong mukha ang takot.

Yun pala ay paparating ang tatay mong matagal mo ng  kinatatakutan. Galit na galit at papalapit sa atin, sa ating kinarooonan hanggang sa ewan ko na kung anong nangyari, basta nagtagpuan ko na lang ang sarili kong nagtatanggol sa iyo, hanggang sa di ko na maalala ang sumunod doon… tapos…nandito na tayo…tapos dumating ka, umiiyak…

Hoy, nakikinig ka ba? Mabuti naman at tumigil ka na rin diyan sa pag-iyak mo…

Teka, ano ba yang hawak mo? Sulat? Wow…nagsusulat ka na uli… love letter ba yan? Pabasa naman…

Paano Nagsusulat ang Sugatang Puso?

Sa pagitan ng rumaragasang pagpatak ng luha, sa pagitan ng mga hikbi, sa pagitan ng mga impit na pag-iyak, sa pagitan ng mga piping sandali – isinisingit ng sugatang puso ang pagsusulat. Pagsusulat ng mga nasagasaang alaala, ng mga matatamis na ngiti, ng mga halakhakan, ng mga matatamis na sandaling sa isang iglap ay naglaho, na sa pamamagitan ng pagsusulat ay pilit iibahin ang wakas upang kahit man lang sa loob ng papel sa tulong ng lapis ay magwakas na isang masayang kwento ng pag-ibig.

Sa pagitan ng mga tanong, sa pagitan ng mga napakaraming bakit, sa pagitan ng paghahanap ng kasagutan at katugunan – isinisingit ng sugatang puso ang pagsusulat. Pagsusulat ng mga sagot, pagtugon sa napakaraming bakit, paghabi ng mga sagot na titighaw sa uhaw na isipang nagsala-salabid.

Sa pagitan ng mga patlang, sa pagitan ng kawalan, sa pagitan ng mga kawalang katiyakan, – isinisingit ng sugatang puso ang pagsusulat. Pagsusulat ng kasiguruhang  pupuno sa mga patlang at bubura sa mga kawalan upang magkaroon ng kaganapang magbibigay ng katiyakan sa bawat sisinghap-singhap na kaluluwang nalulunod sa patlang ng kawalan.

Sa pagitan ng mga titik at salita, sa pagitan ng mga parirala at pangungusap – isinisingit ng sugatang puso ang  pagsusulat. Pagsusulat ng mga talatang magsisilbing tulay ng mga titik at salita patungo sa manhid na diwang nagkukubli sa kaibuturan ng puso.

Sa pagitan ng mga buntong-hininga, sa pagitan ng mga panghihinayang – isinisingit ng sugatang puso ang pagsusulat. Pagsusulat ng mga sulating  magpapalaho sa mga buntong-hininga at maglilibing sa mga panghihinayang doon sa himlayang lahat ng ‘di magandang alaala ay maglalaho.

Sa pagitan ng nakaraan at ngayon, sa pagitan ng nakalipas at kasalukuyan – isinisingit ng sugatang puso ang pagsusulat. Pagsusulat ng bukas na mag-uugnay sa nakaraan at ngayon at magdurugtong sa nakalipas at kasalukuyan.

Sa pagitan ng mga tuldok na pilit pinapalitan ng kuwit, sa pagitan ng mga panaklong na pilit inaalis, – isinisingit ng sugatang puso ang pagsusulat. Pagsusulat ng mga pangungusap na ‘di nangangailangan ng tuldok pagkat ‘di kailangang tuldukan, ng mga pangungusap na ‘di nangangailangan ng panaklong pagkat ‘di kailangang ikulong, mga pangungusap na malayang makapaglalakbay patungo sa walang hanggang hangganan.

Paano nagsusulat ang sugatang puso?

Sa pagitan ng rumaragasang pagpatak ng luha, sa pagitan ng mga tanong, sa pagitan ng mga patlang, sa pagitan ng mga titik at salita, sa pagitan ng mga buntong-hiniga, sa pagitan ng nakaraan at ngayon, sa pagitan ng mga tuldok, sa pagitan ng lahat ng mga ito, pipiliting isasatitik ng sugatang puso ng lahat ng kanyang mga hinanahikit at paghihirap, mga pangarap at panaginip-kasabay ng patuloy na pag-agos ng dugo mula sa naghihingalong puso na nagpupumilit papaghilumin ang sugat sa pamamagitan ng pagsusulat gamit ang mapulang dugo mula sa pusong sugatan.

Hanggang kailan magsusulat ang sugatang puso?

Hanggang sa maubos ang huling patak ng mapulang dugo mula sa kanyang sugatang puso.

Hanep, galing mo palang kumatha ng ganyan, galing ba yan sa puso mo? Nakakatouch naman, kahit hindi ko masyadong naintindihan, ang lalim mo pa lang magsulat, talaga naman a… anak ka ba ni Balagtas, lolo mo si Jose Rizal?

Alam mo, me future ka sa mundo ng pagsusulat, gaya ng mga idol mong babaeng manunulat, sino nga ba sila?

Genoveva Edroza Matute, Liwayway Arceo, Ligaya Tiamson Rubin, Ruth Mabanglo, Lualhati Bautista, pati sina Rina Jimenez David at Jessica Zapra ay nagugustuhan mo na rin.

Di ko nga sila kilala dati e, pero hanep ka talaga, mas hinahangaan mo pa sila kesa sa mga naggagandahang artista a, ibang klase ka talaga. Ni hindi ko sila kilala pero salamat na rin sa’yo at ipinakilala mo ang mga feministang manunulat na mga ito.

Uy, at ano pa yang hawak mo? Bulaklak ng kalabasa? Saan mo naman nakuha yan?

Teka, di ba ang sabi mo, ang bibigyan mo lang ng ganyan ay ang taong mahal mo? E tayo lang namang dalawa ang nandito a? Huwag mo akong bibiruin, huwag mong sasabihing sa akin mo ibibigay yan?

Hoy,. Hoy, saan ka pupunta? Andito ako sa tabi mo, kala ko ba sa akin mo ibibigay yan? Hay… kung di sa akin, kanino?

O, bakit mo inilapag yang mga bulaklak na iyan diyan? Teka, ano ba yang nakasulat diyan sa pinaglagyan mo?

Tskkk…at bakit umiiyak ka na naman? Kala ko ba ubos na ‘yang luha mo? Mukhang may factory ka ata ng balde-baldeng luha riyan a.

Saka teka, ano ba yang nakasulat diyan?

BENJAMIN NATIVIDAD

R.I.P

Born: August 27, 1984

Died: November 11, 2002

Teka, teka, pangalan ko yan a: Bakit nakalagay ang pangalan ko riyan?, Hoy, hoy, ano ba kasing iniiyak-iyak mo riyan? Sagutin mo nga muna ako.