Archive for June, 2010


His Excellency Jose Ramos Horta, Former President Fidel V. Ramos, Former President Joseph Estrada, Senate President Juan Ponce Enrile and members of the Senate, House Speaker Prospero Nograles and members of the House, justices of the Supreme Court, members of the foreign delegations,Your Excellencies of the diplomatic corps, fellow colleagues in government, aking mga kababayan.

Ang pagtayo ko dito ngayon ay patunay na kayo ang aking tunay na lakas. Hindi ko inakala na darating tayo sa puntong ito, na ako’y manunumpa sa harap ninyo bilang inyong Pangulo. Hindi ko pinangarap maging tagapagtaguyod ng pag-asa at tagapagmana ng mga suliranin ng ating bayan.

Ang layunin ko sa buhay ay simple lang: maging tapat sa aking mga magulang at sa bayan bilang isang marangal na anak, mabait na kuya, at mabuting mamamayan.

Nilabanan ng aking ama ang diktadurya at ibinuwis niya ang kanyang buhay para tubusin ang ating demokrasya. Inalay ng aking ina ang kanyang buhay upang pangalagaan ang demokrasyang ito. Ilalaan ko ang aking buhay para siguraduhin na ang ating demokrasya ay kapaki-pakinabang sa bawat isa. Namuhunan na po kami ng dugo at handa kong gawin ito kung muling kinakailangan.

Tanyag man ang aking mga magulang at ang kanilang mga nagawa, alam ko rin ang problema ng ordinaryong mamamayan. Alam nating lahat ang pakiramdam na magkaroon ng pamahalaang bulag at bingi. Alam natin ang pakiramdam na mapagkaitan ng hustisya, na mabalewala ng mga taong pinagkatiwalaan at inatasan nating maging ating tagapagtanggol.

Kayo ba ay minsan ring nalimutan ng pamahalaang inyong iniluklok sa puwesto? Ako rin. Kayo ba ay nagtiis na sa trapiko para lamang masingitan ng isang naghahari-hariang de-wangwang sa kalsada? Ako rin. Kayo ba ay sawang-sawa na sa pamahalaang sa halip na magsilbi sa taumbayan ay kailangan pa nila itong pagpasensiyahan at tiisin? Ako rin.

Katulad ninyo ako. Marami na sa atin ang bumoto gamit ang kanilang paa – nilisan na nila ang ating bansa sa kanilang paghahanap ng pagbabago at katahimikan. Tiniis nila ang hirap, sinugod ang panganib sa ibang bansa dahil doon may pag-asa kahit kaunti na dito sa atin ay hindi nila nakikita. Sa iilang sandali na sarili ko lang ang aking inaalala, pati ako ay napag-isip din – talaga bang hindi na mababago ang pamamahala natin dito? Hindi kaya nasa ibang bansa ang katahimikang hinahanap ko? Saan ba nakasulat na kailangang puro pagtitiis ang tadhana ng Pilipino?

Ngayon, sa araw na ito – dito magwawakas ang pamumunong manhid sa mga daing ng taumbayan. Hindi si Noynoy ang gumawa ng paraan, kayo ang dahilan kung bakit ngayon, magtatapos na ang pagtitiis ng sambayanan. Ito naman po ang umpisa ng kalbaryo ko, ngunit kung marami tayong magpapasan ng krus ay kakayanin natin ito, gaano man kabigat.

Sa tulong ng wastong pamamahala sa mga darating na taon, maiibsan din ang marami nating problema. Ang tadhana ng Pilipino ay babalik sa tamang kalagayan, na sa bawat taon pabawas ng pabawas ang problema ng Pinoy na nagsusumikap at may kasiguruhan sila na magiging tuloy-tuloy na ang pagbuti ng kanilang sitwasyon.

Kami ay narito para magsilbi at hindi para maghari. Ang mandato ninyo sa amin ay pagbabago – isang malinaw na utos para ayusin ang gobyerno at lipunan mula sa pamahalaang iilan lamang ang nakikinabang tungo sa isang pamahalaang kabutihan ng mamamayan ang pinangangalagaan.

Ang mandatong ito ay isa kung saan kayo at ang inyong pangulo ay nagkasundo para sa pagbabago – isang paninindigan na ipinangako ko noong kampanya at tinanggap ninyo noong araw ng halalan.

Sigaw natin noong kampanya: “Kung walang corrupt, walang mahirap.” Hindi lamang ito pang slogan o pang poster – ito ang mga prinsipyong tinatayuan at nagsisilbing batayan ng ating administrasyon.

Ang ating pangunahing tungkulin ay ang magsikap na maiangat ang bansa mula sa kahirapan, sa pamamagitan ng pagpapairal ng katapatan at mabuting pamamalakad sa pamahalaan.

Ang unang hakbang ay ang pagkakaroon ng tuwid at tapat na hanay ng mga pinuno. Magsisimula ito sa akin. Sisikapin kong maging isang mabuting ehemplo. Hinding hindi ko sasayangin ang tiwalang ipinagkaloob ninyo sa akin. Sisiguraduhin ko na ganito rin ang adhikain ng aking Gabinete at ng mga magiging kasama sa ating pamahalaan.

Naniniwala akong hindi lahat ng nagsisilbi sa gobyerno ay corrupt. Sa katunayan, mas marami sa kanila ay tapat. Pinili nilang maglingkod sa gobyerno upang gumawa ng kabutihan. Ngayon, magkakaroon na sila ng pagkakataong magpakitang-gilas. Inaasahan natin sila sa pagsupil ng korapsyon sa loob mismo ng burukrasya.

Sa mga itinalaga sa paraang labag sa batas, ito ang aking babala: sisimulan natin ang pagbabalik ng tiwala sa pamamagitan ng pag-usisa sa mga “midnight appointments.” Sana ay magsilbi itong babala sa mga nag-iisip na ipagpatuloy ang baluktot na kalakarang nakasanayan na ng marami.

Sa mga kapuspalad nating mga kababayan, ngayon, ang pamahalaan ang inyong kampeon.

Hindi natin ipagpapaliban ang mga pangangailangan ng ating mga estudyante, kaya’t sisikapin nating punan ang kakulangan sa ating mga silid-aralan.

Unti-unti din nating babawasan ang mga kakulangan sa imprastraktura para sa transportasyon, turismo at pangangalakal. Mula ngayon, hindi na puwede ang “puwede na” pagdating sa mga kalye, tulay at gusali dahil magiging responsibilidad ng mga kontratista ang panatilihing nasa mabuting kalagayan ang mga proyekto nila.

Bubuhayin natin ang programang “emergency employment” ng dating pangulong Corazon Aquino sa pagtatayo ng mga bagong imprastraktura na ito. Ito ay magbibigay ng trabaho sa mga local na komunidad at makakatulong sa pagpapalago ng kanila at ng ating ekonomiya.

Hindi kami magiging sanhi ng inyong pasakit at perwisyo. Palalakasin natin ang koleksyon at pupuksain natin ang korapsyon sa Kawanihan ng Rentas Internas at Bureau of Customs para mapondohan natin ang ating mga hinahangad para sa lahat, tulad ng:

· dekalidad na edukasyon, kabilang ang edukasyong bokasyonal para makapaghanap ng marangal na trabaho ang hindi makapag-kolehiyo;
· serbisyong pangkalusugan, tulad ng Philhealth para sa lahat sa loob ng tatlong taon;
· tirahan sa loob ng mga ligtas na komunidad.

Palalakasin at palalaguin natin ang bilang ng ating kasundaluhan at kapulisan, hindi para tugunan ang interes ng mga naghahari-harian, ngunit para proteksyunan ang mamamayan. Itinataya nila ang kanilang buhay para mayroong pagkakataon sa katahimikan at kapayapaan sa sambayanan. Dumoble na ang populasyong kanilang binabantayan, nanatili naman sila sa bilang. Hindi tama na ang nagmamalasakit ay kinakawawa.

Kung dati ay may fertilizer scam, ngayon ay may kalinga ng tunay para sa mga magsasaka. Tutulungan natin sila sa irigasyon, extension services, at sa pagbenta ng kanilang produkto sa pinakamataas na presyong maaari.

Inaatasan natin na ang papasok na Secretary Alcala ay magtayo ng mga trading centers kung saan diretso na ang magsasaka sa mamimili – lalaktawan natin ang gitna, kasama na ang kotong cop. Sa ganitong paraan, ang dating napupunta sa gitna ay maari nang paghatian ng magsasaka at mamimili.

Gagawin nating kaaya-aya sa negosyante ang ating bansa. We will cut red tape dramatically and implement stable economic policies. We will level the playing field for investors and make government an enabler, not a hindrance, to business. Sa ganitong paraan lamang natin mapupunan ang kakulangan ng trabaho para sa ating mga mamamayan.

Layunin nating paramihin ang trabaho dito sa ating bansa upang hindi na kailanganin ang mangibang-bansa para makahanap lamang ng trabaho. Ngunit habang ito ay hindi pa natin naaabot, inaatasan ko ang mga kawani ng DFA, POEA at ng OWWA at iba pang mga kinauukulang ahensiya na mas lalo pang paigtingin ang pagtugon sa mga hinaing at pangangailangan ng ating mga overseas Filipino workers.

Papaigtingin namin ang proceso ng konsultasyon at pag-uulat sa taumbayan. Sisikapin naming isakatuparan ang nakasaad sa ating Konstitusiyon na kinikilala ang karapatan ng mamamayaan na magkaroon ng kaalaman ukol sa mga pampublikong alintana.

Binuhay natin ang diwa ng people power noong kampanya. Ipagpatuloy natin ito tungo sa tuwid at tapat na pamamahala. Ang naniniwala sa people power ay nakatuon sa kapwa at hindi sa sarili.

Sa mga nang-api sa akin, kaya ko kayong patawarin at pinapatawad ko na kayo. Sa mga nang-api sa sambayanan, wala akong karapatan na limutin ang inyong mga kasalanan.

To those who are talking about reconciliation, if they mean that they would like us to simply forget about the wrongs that they have committed in the past, we have this to say: there can be no reconciliation without justice. Sa paglimot ng pagkakasala, sinisigurado mong maulit muli ang mga pagkakasalang ito. Secretary de Lima, you have your marching orders. Begin the process of providing true and complete justice for all.

Ikinagagalak din naming ibahagi sa inyo ang pagtanggap ni dating Chief Justice Hilario Davide Jr. sa hamon ng pagtatatag at pamumuno sa isang Truth Commission na magbibigay linaw sa maraming kahinahinalang isyu na hanggang ngayon ay walang kasagutan at resolusyon.

Ang sinumang nagkamali ay kailangang humarap sa hustisya. Hindi maaaring patuloy ang kalakaran ng walang pananagutan at tuloy na pang-aapi.

My government will be sincere in dealing with all the peoples of Mindanao. We are committed to a peaceful and just settlement of conflicts, inclusive of the interests of all – may they be Lumads, Bangsamoro or Christian.

We shall defeat the enemy by wielding the tools of justice, social reform, and equitable governance leading to a better life. Sa tamang pamamahala gaganda ang buhay ng lahat, at sa buhay na maganda, sino pa ang gugustuhing bumalik sa panahon ng pang-aapi?

Kung kasama ko kayo, maitataguyod natin ang isang bayan kung saan pantay-pantay ang pagkakataon, dahil pantay-pantay nating ginagampanan ang ating mga pananagutan.

Kamakailan lamang, ang bawat isa sa atin ay nanindigan sa presinto. Bumoto tayo ayon sa ating karapatan at konsensiya. Hindi tayo umatras sa tungkulin nating ipaglaban ang karapatan na ito.

Pagkatapos ng bilangan, pinatunayan ninyo na ang tao ang tunay na lakas ng bayan.

Ito ang kahalagahan ng ating demokrasya. Ito ang pundasyon ng ating pagkakaisa. Nangampanya tayo para sa pagbabago. Dahil dito taas-noo muli ang Pilipino. Tayong lahat ay kabilang sa isang bansa kung saan maaari nang mangarap muli.

To our friends and neighbors around the world, we are ready to take our place as a reliable member of the community of nations, a nation serious about its commitments and which harmonizes its national interests with its international responsibilities.

We will be a predictable and consistent place for investment, a nation where everyone will say, “it all works.”

Inaanyayahan ko kayo ngayon na manumpa sa ating mga sarili, sa sambayanan, WALANG MAIIWAN.

Walang pangingibang-bayan at gastusan na walang wastong dahilan. Walang pagtalikod sa mga salitang binitawan noong kampanya, ngayon at hanggang sa mga susunod pang pagsubok na pagdadaanan sa loob ng anim na taon.

Walang lamangan, walang padrino at walang pagnanakaw. Walang wang-wang, walang counterflow, walang tong. Panahon na upang tayo ay muling magkawanggawa.

Nandito tayo ngayon dahil sama-sama tayong nanindigan at nagtiwala na may pag-asa.

The people who are behind us dared to dream. Today, the dream starts to become a reality. Sa inyong mga nag-iisip pa kung tutulong kayo sa pagpasan ng ating krus, isa lang ang aking tanong – kung kailan tayo nanalo, saka pa ba kayo susuko?

Kayo ang boss ko, kaya’t hindi maaaring hindi ako makinig sa mga utos ninyo. We will design and implement an interaction and feedback mechanism that can effectively respond to the people’s needs and aspirations.

Kayo ang nagdala sa akin sa puntong ito – ang ating mga volunteers – matanda, bata, celebrity, ordinaryong tao, na umikot sa Pilipinas para ikampanya ang pagbabago; ang aking mga kasambahay, na nag-asikaso ng lahat ng aking mga personal na pangangailangan; ang aking pamilya, kaibigan at katrabaho, na dumamay, nag-alaga at nagbigay ng suporta sa akin; ang ating mga abogado, na nagpuyat para bantayan ang ating mga boto at siguraduhing mabilang ang bawat isa; ang aking mga kapartido at kaalyado na kasama kong nangahas mangarap; at ang milyun-milyong Pilipinong nagkaisa, nagtiwala at hindi nawalan ng pag-asa – nasa inyo ang aking taos-pusong pasasalamat.

Hindi ko makakayang harapin ang aking mga magulang, at kayong mga nagdala sa akin sa yugto ng buhay kong ito, kung hindi ko maisasakatuparan ang aking mga binitawang salita sa araw na ito.

My parents sought nothing less and died for nothing less than democracy, peace and prosperity. I am blessed by this legacy. I shall carry the torch forward.

Layunin ko na sa pagbaba ko sa katungkulan, masasabi ng lahat na malayo na ang narating natin sa pagtahak ng tuwid na landas at mas maganda na ang kinabukasang ipapamana natin sa susunod na henerasyon. Samahan ninyo ako sa pagtatapos ng laban na ito. Tayo na sa tuwid na landas.

Maraming salamat po at mabuhay ang sambayanang Pilipino!

__________________________________________________________________________

Official English translation provided by Aquino media bureau

His Excellency Jose Ramos Horta, Former President Fidel V. Ramos, Former President Joseph Estrada, Senate President Juan Ponce Enrile and members of the Senate, House Speaker Prospero Nograles and members of the House, justices of the Supreme Court, members of the foreign delegations,Your Excellencies of the diplomatic corps, fellow colleagues in government, aking mga kababayan.

My presence here today is proof that you are my true strength. I never expected that I will be here taking my oath of office before you, as your president. I never imagined that I would be tasked with continuing the mission of my parents. I never entertained the ambition to be the symbol of hope, and to inherit the problems of our nation.

I had a simple goal in life: to be true to my parents and our country as an honorable son, a caring brother, and a good citizen.

My father offered his life so our democracy could live. My mother devoted her life to nurturing that democracy. I will dedicate my life to making our democracy reach its fullest potential: that of ensuring equality for all. My family has sacrificed much and I am willing to do this again if necessary.

Although I was born to famous parents, I know and feel the problems of ordinary citizens. We all know what it is like to have a government that plays deaf and dumb. We know what it is like to be denied justice, to be ignored by those in whom we placed our trust and tasked to become our advocates.

Have you ever been ignored by the very government you helped put in power? I have. Have you had to endure being rudely shoved aside by the siren-blaring escorts of those who love to display their position and power over you? I have, too. Have you experienced exasperation and anger at a government that instead of serving you, needs to be endured by you? So have I.

I am like you. Many of our countrymen have already voted with their feet – migrating to other countries in search of change or tranquility. They have endured hardship, risked their lives because they believe that compared to their current state here, there is more hope for them in another country, no matter how bleak it may be. In moments when I thought of only my own welfare, I also wondered – is it possible that I can find the peace and quiet that I crave in another country? Is our government beyond redemption? Has it been written that the Filipino’s lot is merely to suffer?

Today marks the end of a regime indifferent to the appeals of the people. It is not Noynoy who found a way. You are the reason why the silent suffering of the nation is about to end. This is the beginning of my burden, but if many of us will bear the cross we will lift it, no matter how heavy it is.

Through good governance in the coming years, we will lessen our problems. The destiny of the Filipino will return to its rightful place, and as each year passes, the Filipino’s problems will continue to lessen with the assurance of progress in their lives.

We are here to serve and not to lord over you. The mandate given to me was one of change. I accept your marching orders to transform our government from one that is self-serving to one that works for the welfare of the nation.

This mandate is the social contract that we agreed upon. It is the promise I made during the campaign, which you accepted on election day.

During the campaign we said, “If no one is corrupt, no one will be poor.” That is no mere slogan for posters — it is the defining principle that will serve as the foundation of our administration.

Our foremost duty is to lift the nation from poverty through honest and effective governance.

The first step is to have leaders who are ethical, honest, and true public servants. I will set the example. I will strive to be a good model. I will not break the trust you have placed in me. I will ensure that this, too, will be the advocacy of my Cabinet and those who will join our government.

I do not believe that all of those who serve in our government are corrupt. In truth, the majority of them are honest. They joined government to serve and do good. Starting today, they will have the opportunity to show that they have what it takes. I am counting on them to help fight corruption within the bureaucracy.

To those who have been put in positions by unlawful means, this is my warning: we will begin earning back the trust of our people by reviewing midnight appointments. Let this serve as a warning to those who intend to continue the crooked ways that have become the norm for too long.

To our impoverished countrymen, starting today, your government will be your champion.

We will not disregard the needs of our students. We will begin by addressing the glaring shortage in classrooms and educational facilities.

Gradually, we will lessen the lack of infrastructures for transportation, tourism and trade. From now on, mediocre work will not be good enough when it comes to roads, bridges, and buildings because we will hold contractors responsible for maintaining their projects in good condition.

We will revive the emergency employment program established by former President Corazon Aquino. This will provide jobs for local communities and will help in the development of their and our economy.

We will not be the cause of your suffering or hardship. We will strengthen collections by the Bureau of Internal Revenue and we will fight corruption in the Bureau of Customs in order to fund our objectives for the public welfare, such as:

· Quality education, including vocational education, so that those who choose not to attend college or those who cannot afford it can find dignified livelihood;

· Improved public health services such as PhilHealth for all within three years;

· A home for every family, within safe communities.

We will strengthen the armed forces and the police, not to serve the interests of those who want to wield power with impunity, but to give added protection for ordinary folk. The armed forces and the police risk their lives daily so that the nation can live in peace and security. The population has doubled and yet their numbers remain unchanged. It is not right that those who make sacrifices are treated pitifully.

If there was a fertilizer scam in the past, today there will be security for farmers. We will help them with irrigation, extension services, and marketing their products at the best possible prices.

We are directing Secretary Alcala to set up trading centers that will directly link farmers and consumers thereby eliminating middlemen and opportunities for corruption. In this way, funds can be shared by farmers and consumers. We will make our country attractive to investors. We will cut red tape dramatically and implement stable economic policies. We will level the playing field for investors and make government an enabler, not a hindrance to business. This is the only means by which we can provide jobs for our people.

Our goal is to create jobs at home so that there will be no need to look for employment abroad. However, as we work towards that end, I am ordering the DFA, POEA, OWWA, and other relevant agencies to be even more responsive to the needs and welfare of our overseas Filipino workers.

We will strengthen the process of consultation and feedback. We will strive to uphold the constitutional right of citizens to information on matters of public concern.

We relived the spirit of people power during the campaign. Let it take us to good and effective governance. Those who believe in people power put the welfare of others before their own.

I can forgive those who did me wrong but I have no right to forgive those who abused our people.

To those who talk about reconciliation, if they mean that they would like us to simply forget about the wrongs that they have committed in the past, we have this to say: there can be no reconciliation without justice. When we allow crimes to go unpunished, we give consent to their occurring over and over again. Secretary de Lima, you have your marching orders. Begin the process of providing true and complete justice for all.

We are also happy to inform you the acceptance of Chief Justice Hilario Davide of the challenge of strengthening and heading a Truth Commission that will shed light on many unanswered issues that continue to haunt our country.

My government will be sincere in dealing with all the peoples of Mindanao. We are committed to a peaceful and just settlement of conflict, inclusive of the interests of all — may they be Lumads, Bangsamoro or Christian.

We shalI defeat the enemy by wielding the tools of justice, social reform, and equitable governance leading to a better life. With proper governance life will improve for all. When we are all living well, who will want to go back to living under oppression?

If I have all of you by my side, we will be able to build a nation in which there will be equality of opportunity, because each of us fulfilled our duties and responsibilities equally.

After the elections, you proved that it is the people who wield power in this country.

This is what democracy means. It is the foundation of our unity. We campaigned for change. Because of this, the Filipino stands tall once more. We are all part of a nation that can begin to dream again.

To our friends and neighbors around the world, we are ready to take our place as a reliable member of the community of nations, a nation serious about its commitments and which harmonizes its national interests with its international responsibilities.

We will be a predictable and consistent place for investment, a nation where everyone will say, “it all works.”

Today, I am inviting you to pledge to yourselves and to our people. No one shall be left behind.

No more junkets, no more senseless spending. No more turning back on pledges made during the campaign, whether today or in the coming challenges that will confront us over the next six years. No more influence-peddling, no more patronage politics, no more stealing. No more sirens, no more short cuts, no more bribes. It is time for us to work together once more.

We are here today because we stood together and believed in hope. We had no resources to campaign other than our common faith in the inherent goodness of the Filipino.

The people who are behind us dared to dream. Today, the dream starts to become a reality. To those among you who are still undecided about sharing the common burden I have only one question: Are you going to quit now that we have won?

You are the boss so I cannot ignore your orders. We will design and implement an interaction and feedback mechanism that can effectively respond to your needs and aspirations.

You are the ones who brought me here – our volunteers – old, young, celebrity, ordinary folks who went around the country to campaign for change; my household help who provided for all my personal needs; my family, friends, colleagues at work, who shared, cared, and gave their support; my lawyers who stayed all hours to guard my votes and make sure they were counted; and the millions of Filipinos who prevailed, kept faith, and never lost hope – I offer my heartfelt gratitude.

I will not be able to face my parents and you who have brought me here if do not fulfill the promises I made.

My parents sought nothing less, died for nothing less, than democracy and peace. I am blessed by this legacy. I shall carry the torch forward.

My hope is that when I leave office, everyone can say that we have traveled far on the right path, and that we are able to bequeath a better future to the next generation. Join me in continuing this fight for change.

Thank you and long live the Filipino people!

Advertisements

(Bahagi ng aking maikling kwentong ‘Anong iniiyak-iyak mo riyan?’. Due to insistent bloggers demand (me ganun? karamihan sa kanila ay mga kaibigan ko at estudyante, jeje) ihiniwalay ko ito kasi kaya naman daw tumayong mag-isa bilang sanaysay. Pasintabi sa pinagpipitaganang manunulat na si Ligaya Tiamson Rubin))

Sa pagitan ng rumaragasang pagpatak ng luha, sa pagitan ng mga hikbi, sa pagitan ng mga impit na pag-iyak, sa pagitan ng mga piping sandali – isinisingit ng sugatang puso ang pagsusulat. Pagsusulat ng mga nasagasaang alaala, ng mga matatamis na ngiti, ng mga halakhakan, ng mga matatamis na sandaling sa isang iglap ay naglaho, na sa pamamagitan ng pagsusulat ay pilit iibahin ang wakas upang kahit man lang sa loob ng papel sa tulong ng lapis ay magwakas na isang masayang kwento ng pag-ibig.

Sa pagitan ng mga tanong, sa pagitan ng mga napakaraming bakit, sa pagitan ng paghahanap ng kasagutan at katugunan – isinisingit ng sugatang puso ang pagsusulat. Pagsusulat ng mga sagot, pagtugon sa napakaraming bakit, paghabi ng mga sagot na titighaw sa uhaw na isipang nagsala-salabid.

Sa pagitan ng mga patlang, sa pagitan ng kawalan, sa pagitan ng mga kawalang katiyakan, – isinisingit ng sugatang puso ang pagsusulat. Pagsusulat ng kasiguruhang  pupuno sa mga patlang at bubura sa mga kawalan upang magkaroon ng kaganapang magbibigay ng katiyakan sa bawat sisinghap-singhap na kaluluwang nalulunod sa patlang ng kawalan.

Sa pagitan ng mga titik at salita, sa pagitan ng mga parirala at pangungusap – isinisingit ng sugatang puso ang  pagsusulat. Pagsusulat ng mga talatang magsisilbing tulay ng mga titik at salita patungo sa manhid na diwang nagkukubli sa kaibuturan ng puso.

Sa pagitan ng mga buntong-hininga, sa pagitan ng mga panghihinayang – isinisingit ng sugatang puso ang pagsusulat. Pagsusulat ng mga sulating  magpapalaho sa mga buntong-hininga at maglilibing sa mga panghihinayang doon sa himlayang lahat ng ‘di magandang alaala ay maglalaho.

Sa pagitan ng nakaraan at ngayon, sa pagitan ng nakalipas at kasalukuyan – isinisingit ng sugatang puso ang pagsusulat. Pagsusulat ng bukas na mag-uugnay sa nakaraan at ngayon at magdurugtong sa nakalipas at kasalukuyan.

Sa pagitan ng mga tuldok na pilit pinapalitan ng kuwit, sa pagitan ng mga panaklong na pilit inaalis, – isinisingit ng sugatang puso ang pagsusulat. Pagsusulat ng mga pangungusap na ‘di nangangailangan ng tuldok pagkat ‘di kailangang tuldukan, ng mga pangungusap na ‘di nangangailangan ng panaklong pagkat ‘di kailangang ikulong, mga pangungusap na malayang makapaglalakbay patungo sa walang hanggang hangganan.

Paano nagsusulat ang sugatang puso?

Sa pagitan ng rumaragasang pagpatak ng luha, sa pagitan ng mga tanong, sa pagitan ng mga patlang, sa pagitan ng mga titik at salita, sa pagitan ng mga buntong-hiniga, sa pagitan ng nakaraan at ngayon, sa pagitan ng mga tuldok, sa pagitan ng lahat ng mga ito, pipiliting isasatitik ng sugatang puso ng lahat ng kanyang mga hinanahikit at paghihirap, mga pangarap at panaginip-kasabay ng patuloy na pag-agos ng dugo mula sa naghihingalong puso na nagpupumilit papaghilumin ang sugat sa pamamagitan ng pagsusulat gamit ang mapulang dugo mula sa pusong sugatan.

Hanggang kailan magsusulat ang sugatang puso?

Hanggang sa maubos ang huling patak ng mapulang dugo mula sa kanyang sugatang puso.

LAGALAG

(Isa sa mga pinakapaborito ko sa mga tulang nasulat ko.)

Lakad

takbo

hingal

mga kaluluwa tayong walang mapuntahan.

Hinto

pahinga

pagsuko

mga kaluluwa tayong walang masulingan.

Doon

diyan

dito

Saan sa daigdig na ito magkakanlong?

kung sa bawat sulok nito’y

bartolina ng linggatong.

Ganito

ganyan

ganoon

Paano makaaalpas?

sanlaksang suliraning dumadagan

pa’no kung ang bukas ay bukas pa?

Ngayon

bukas

samakalawa

Kailan daratal ang umaga?

Kung ang araw sa kanlura’y sumikat na?

O kung gahiblang hininga’y napigtal na?

Sino?

Saan?

Kailan?

Paano?

Ano?

Mga katanungang ‘di matugunan

Ako

Siya

Tayo

Mga kaluluwang lagalag

Mga kaluluwang naglalagalag.

Mga kaluluwang maglalagalag.

kapit-bisig

(Sinulat ko noong ako’y nag-aaral pa lang sa kolehiyo. Alay at sa alaala ng aking mga naging kabordmeyts na naging bahagi na ng aking buhay)

Ganito kami. Mga baliw kung tawagin ang sarili. Mga kaluluwang sa pagkabaliw ng isa’y pagkabaliw ng lahat. Mga kaluluwang saglit na nakalilimot sa katinuang taglay. Mga kaluluwang naghahanap ng kasiyahan pagkatapos ng nakapapagod na pakikipagsapalaran at pakikitalad sa karagatan ng unibersidad.

Ganito kami. Mga kaluluwang nakatira sa apat na sulok ng aming pangalawang tahanan. Mga lalaki at babae na nagpapakialaman at napakikialaman. Mga nilalang na magkakaiba subalit napag-iisa ng aming pangalawang tahanan.

Ganito kami. Sa pagkanta ng isa’y susundan ng isa, ng dalawa, at ng isa pa, hanggang sa ang mga boses nami’y umalingawngaw at pumuno sa aming munting daigdig. Humihimig ng musikang tanging kami lamang ang nakatatalos ng kagandahan at kahulugan nitong taglay.

Ganito kami. Mga kaluluwang sa bawat pagsayaw ng isa’y pagsayaw ng lahat. Bawat indak ng paa, bawat imbay ng balikat, bawat giling ng baywang, bawat di maintindihang hakbang ay sayaw ng tagumpay. Tagumpay sa paglimot sa mga suliraning bumabagabag. (suliranin sa pamilya, personal na buhay, eskwela atbp…)

Ganito kami. Mga kaluluwang nagrereklamo sa baradong palikuran, sirang plantsa, sirang ilaw, magugulong bordmeyts. Mga kaluluwang kadalasa’y walang pambayad sa buwanang upa. Mga kaluluwang bukambibig ang kagustuhang lumipat subalit di makalipat-lipat…

Ganito kami. Mga kaluluwang nalulungkot, natutuwa. Mga kaluluwang naiinggit, nagtatanong, naghahanap at nangangarap.

Ganito kami, subalit magiging ganito pa rin kaya kami pagdating ng bukas? Mag-aawitan pa kaya kami? Magsasayawan? Magtatampuhan? Magbabatihan? Magmamahalan?

Ganito kami ngayon. Mga kaluluwang sabay-sabay na nangarap, nagmahal, napoot, natuwa, umiyak.

Ganito kami, subalit magiging ganito pa rin ba kami bukas?

Sinulat ni Benedick N. Damaso

(Ang kwentong ito ay hango sa tunay na katauhan ni Joy Piso. Bagamat  hindi na natin nakikita si Joy Piso, marami pa ring tulad niya ang ating nakasasalamuha sa araw-araw. Ikaw? May nagawa ka na ba para matulungan ang mga katulad niya?)

 

Payat, maiksi ang buhok, may mga butlig butlig sa braso at paa, pagala-gala, kinaaawaan ngunit kadalasa’y pinandidirihan, nanlilimos, humihingi ng piso.

Siya si Joy Piso kung tagurian ng mga tao. Akala ko noong una, piso talaga ang apelyido nya, yun pala, halaw lang pala ito sa madalas mamutawi sa kanyang bibig tuwing ilalatag niya ang kanyang mga kamay.

“Piso mo nga!”

Ito ang bukambibig niya sa kahit sinong makasalubong. Noong una, hindi ko masyadong pinagtutuunan ng pansin at isip si Joy Piso. Katwiran ko, sino ba siya para pag-aksayahan ko ng aking panahon. Hindi naman ako taga-DSWD, lalong hindi kami mayaman na kayang magtatag ng foundation.

Pero isang pangyayari ang nagbunsod sa akin na magkainteres sa kanya. Palabas ako noon ng paaralan ng makita ko si Joy Piso. Bigla na lang  niya akong hiningan ng piso. Ewan ko ba pero bigla ko na ang dinukot ang natitirang piso sa aking bulsa at ibinigay sa kanya. Tuwang tuwa siya, bakas ko sa kanyang mukha ang kasiyahan sa pisong ibinigay ko.May mabibili na naman siya ng kanyang makakain, naisip ko. Pero bigla akong natigilan ng mahulog niya ang pisong ibinigay ko sa kanya, tumilapon ito at gumulong sa kalye na naging dahilan upang habulin niya ito sa gitna ng mga rumaragasang sasakyan. Muntik na siyang masagasaan kundi lang nakapagpreno ang mamang driver.

Tigagal ako sa aking nasaksihan. Hindi ko lubos maiisip na ganun pala kahalaga sa kanya ang pisong iyon, na kahit pati buhay nya ay handa nyang isugal.

Nagsimulang umusbong ang aking interes sa kanya. Tinatanong ko ang aking sarili kung bakit sya nagkaganun, ano ang mga pangyayari sa kabila ng kanyang buhay pagala-gala? May pamilya pa ba siya? May pangarap pa ba sya? Masaya kaya sya? Nalulungkot din ba siya?

Sabi ng matandang kapitbahay namin, matalino raw si Joy Piso subalit dahil dito ay nabaliw siya. Hindi ko naman lubos na mapaniwalaan ang mga sinabing ito ni Lola Elang kasi pakiwari ko ay hindi naman talaga baliw si Joy. Sabi ng iba, inampon raw siya ng isang mayamang mag-asawa noong siya ay bata pa. Mayaman daw ang mga ito, naranasan daw ni Joy ang magbuhay mayaman, nung umalis papuntang Amerika ang mga nag-ampon sa kanya, may binilinan daw na tagapagalaga kay Joy, maganda pa rin naman daw ang buhay niya noon, pero mula ng mamatay ang nag-aalaga sa kanya, naging palaboy-laboy na siya, wala na ang mga dating kaibigan niya noong siya  ay may  pera  pa.

Ngayon, mag-isa na lang siyang bumubuhay sa kanyang sarili, kung saan saan natutulog, kung kani-kanino humihingi ng piso at pagkain para lang mabuhay. Hanggang sa makahanap siya ng tirahan sa isang matandang nag-iisa, pinatuloy sya sa kanyang bahay at dito na sya tumitira.

Marami pang kwento ang naririnig ko tungkol sa kanya. Sabi ng iba,  may anak daw sya. Nabuntis daw sya ng isang drug addict na sinamaham niya. Isinilang nya ang bata pero pagkatapos non ay kinuha ito sa kanya at bumalik sya rito sa Castillejos.

Hindi ko alam kung totoo ang mg kwento-kwentong ito tungkol sa kanya, kaya nga naging isang hamon sa akin ang alamin mismo  kay Joy kung tooto nga ba ito.

Dumating ang aking pagkakataon, minsan nakasabay ko sa paglalakad si Joy. Gaya ng dati, hinihingan na naman ako ng piso. Sabi ko sa kanya, hindi lang piso ang ibibigay ko sa kanya kung sasagutin nya ang mga tanong ko. Pumayag naman sya.

Pinaulanan ko sya ng aking mga tanong. Tinanong ko kung totoo ang mga nababalitaan ko.

Ano ang pangalan mo? Ilang taon ka na? Totoo bang mayaman ka dati? Paano ka naghirap? Anong pakiramdam ng isang katulad mo?  Nalulungkot ka rin ba? Masaya ka ba kung minsan? Tooo bang nagbuntis ka raw at nagkaanak?

Madami akong tinanong sa kanya pero iling lang ang naisagot nya sa akin. Naramdaman ko na lang na parang may bumara sa lalamunan ng dating madaldal na si Joy. Hindi ko matukoy pero alam ko at ramdam kong may nasaling ako sa kanyang damdamin. Iniba ko ang aking tanong.

May pangarap ka pa ba? Matagal bago niya ako sinagot.

“Dapat pa bang mangarap ang isang katulad ko?”

Balik tanong niyang sagot sa akin sabay lakad palayo. Mabilis siyang lumayo sa akin sabay sabing sinungaling daw ako dahil ang dami ko raw tanong hindi ko naman daw sya bibigyan ng piso.

Nakalayo na siya pero sisusundan ko pa rin sya ng tingin. Dinukot ko ang limang piso sa aking bulsa. Talagang ibibigay ko naman sa kanya ito pero nakalayo na siya. Gusto ko sanang habulin siya para ibigay ang limampisong hawak ko pero napakalayo na niya.

Kaninang umaga, naririnig ko si nanay. Nagrereklamo siya sa taas ng mga bilihin. Kagagaling niya sa palengke, nabanggit niya si Joy Piso, sabi ni inay, hindi na raw nanghihingi ng piso si Joy dahil ang hinihingi na niya ay limampiso na.

Muli kong naalala ang pag-uusap namin ni Joy, naisip ko, hindi lang pala kami ang apektado ng krisis, ng pagtaas ng bilihin, ng kahirapan. Pati pala si Joy ramdam rin ang kahirapan.

Joy Piso dati, ngayon ay Joy Limang Piso na. Joy, ibig sabihin ay ligaya. Pero mukhang malayo sa katotohanan ang pangalan ni Joy sa nararanasan niya.

Muli kong hinawakan ang limang pisong nasa bulsa ko pa rin. Bukas, kapag nakita ko siya, ibibigay ko ang limang pisong ito sa kanya nang maramdaman naman niyang maging maligaya kahit sandali lang kapag ibinigay ko ang aking limang pisong pinakaaasam-asam niya.

pitong taong WALANG GLORIA

(Mula sa mata at karanasan ng isang bata, isang paglalarawan, pagsasalaysay, pagbubuod sa mga panahong umalis ang kanyang minamahal na nanay Gloria para mangibang bansa sa panahon ding ang pangulo ng bansa ay isa ring Gloria. Unang nalathala sa pahayagang pampaaralan na “BINHI,” Hunyo-Oktubre 2008 na isyu. Ang paghuhusga ay iniiwan ko sa mga mambabasa)

Pitong taong gulang ako nang mangibang bansa si nanay. Pitong taon na siya duon. Pitong taon na rin si Pangulong Gloria sa Malakanyang. Sabi ng mga kabarangay namin, pitong taon na raw silang hindi nakatitikim ng glorya, pitong taon taon na rin naming hindi kapiling si nanay Gloria.

Hindi lingid sa aming magkakapatid kung bakit kailangang mangibang bansa si nanay. Noong una, nahihirapan kaming sa pagkawala ni nanay, nahihirapan kami dahil sa nasanay kaming nandiyan lang siya palagi, pero wala naman kaming magagawa kundi ang intindihin, unawain at tanggapin ang katotohanan.

Lumipas ang mga taon, ramdam namin ang bunga ng paghihirap ni nanay. Naranasan naming magpasko ng may masarap na pinagsasaluhan. Ang dati’y maliit naming bahay ay lumaki at naging kongkreto. Nakapag-aaral na rin kaming magkakapatid na hindi inaalala kung may babaunin ba kami sa pagpasok.

Umaasenso na nga ang aming buhay pero kabaligtaran naman ito ng aming mga kapitbahay at kabarangay.
Habang kami ay umaangat sa buhay, tila naman unti-unting lulumubog sa kahirapan ang aming mga kabarangay dahil sa pagtaas ng halaga ng mga bilihin. Yung iba ay natanggal sa trabaho, at yung iba ay napipilitan ng gumawa ng hindi maganda para lang may makain.

Ilang beses ko na ring narinig ang mga himutok nila.

Sabi nila, lalo raw silang naghirap ng maging pangulo si GMA, ang gloryang inasahan daw nilang malalasap ay hindi nangyari. Naiinggit raw sila sa amin at napakasuwerte raw namin.
Napapailing ako kapag naririnig ko ang mga litanya nilang ito.

Paano ko ba ipaliiwanag sa kanila na mali ang kanilang inaakala? Paano ko ba ipaiintindi sa kanila na higit sa kanila, na higit sa sinupaman, kami ang mas nawalan ng glorya sa pag-alis ng aming nanay Gloria? Gusto kong sabihin sa kanila na hindi ko ipagpapalit ang marangyang buhay na tinatamasa ko ngayon kung ang kapalit naman nito ay ang nanay Gloria ko.
Pitong taon na raw silang hindi nakakatikim ng glorya, pare-pareho lang naman kami a. Sabi pa ng aming mga kabarangay, siguro sa 2010, kapag umalis na si Pangulong Gloria sa Malakanyang, saka palang sila aasa ng glorya.


Noong huli kaming mag-usap ni nanay Gloria sa telepono, sabi niya, dalawang  taon na lang daw siya duon, baka sa 2010 ay uuwi na siya ng bansa para magkakasama-sama kaming magkakapamilya.

Hay, dalawang taon pa akong maghihintay, dalawang taon pa rin ang ipaghihintay naming magkakabarangay sa gloryang pinakaaasam-asam namin.

(Alaala mula sa isang pag-ibig! Unang nalathala sa The Torch Isabelan, December-January 2004 issue)

Ano ba?! Iiyak ka na lamang ba riyan? Ilang oras ka ng nakaupo riyan a? Ilang oras ka na ring umiiyak. Balde-balde na ang iniluha mo.

Baka bumaha, sige ka, tignan mo nga yang dala mong panyo, basang basa na, pwede ba? Tigilan mo na yang pag-iyak-iyak mo, pati tuloy ako naiiyak na rin, wala pa naman akong dalang panyo. Saka ayoko pa namang nakikita kang malungkot, ayokong nakikita kang umiiyak, pero malay ko na kung tears of joy yang mga luhang yan, pero hindi naman siguro, sana lang ha…sana…

Talaga bang hindi ka talaga titigil diyan? Sige, kapag nainis ako sa iyo, baka iwan na lang kita rito. Bibilangan kita: isa, dalawa, tatlo, apat, lima, anim, pito, take note hanggang sampu lang ‘tong bilang ko, walo, siyam, siyam at kalahati, siyam at kalahati ng kalahati.

Hay naku! Tigil na nga lang ako, wa epek din lang ang kahihinatnan ng pagbibilang ko. Para akong grade one na nagbibilang dito, tapos ikaw tuloy pa rin sa pag-iyak-iyak riyan. Daig mo pa sina Nora Aunor at Vilma Santos ‘pag nagdradrama.

Hmmm… Teka, ilang taon na ba tayong nagsasama? Nagsasama bilang magkaibigan ang tinutukoy ko a, Aba! Matagal-tagal na rin pala ‘no, limang taon, limang taon ng saya at lungkot, limang taon ng inis at ngiti, limang taon ng away at bati, limang taon ng ewan…

Matagal tagal na rin pala, kaya siguro alam mo na, na kahit anung gawin mo ay di kita iiwan dito lalo pat nag-iisa ka. Antanga ko talaga, di ko naisip yon kanina pa, ikaw siguro naisip mo kaagad kaya malakas angh loob mong umiyak-iyak pa rin.

Sige na nga. Hahayaan na lang kita sa pag-iyak mo. Kasi sabi nila, magandang ilabas daw ang luha, nakarerelax, nakababawas ng sama ng loob.

Umaasa akong mauubos din yang mga luha mo o dili naman kaya ay humangin ng malakas at mapuwing ka at ang puwing na yan ay bumara riyan sa pinanggagalingan ng luha mo, para matigil na rin yang pag-iyak-iyak mo at mabawasan na rin ang aking pag-aalala.

Pero teka, teka muna, wala ka bang napapansin? Hindi ka ba naninibago? Hmp…parang baliktad ata? Bakit ikaw ang umiiyak,? di ba dapat ako? At nag-iissa ka pa ha, at ano naman yang drama mo? Ala-Sharon Cuneta o Maricel Soriano? Bat ganyan ang suot mo?

Para kang makikipaglibing. Siguro kung hindi kita kilala, sasabihin kong blak ang paborito mong kolor at hindi pink. Pero alam mo bang ang blak daw ay hindi kolor, kung bakit ay hindi ko alam, o kung totoo man ito o hindi ay huwag mo ng itanong at hindi ko rin alam at ayaw ko ng alamin. Okey hindi ko na pakikialaman yang suot mo, baka sabihin mo na namang pakialamero ako.

Baka sabihin mo na namang para akong imbestigador na lahat ng anggulo at gulo ng iyong buhay ay inuukilkil. Alam kong hindi maganda ang ibig mong sabihin dun, pero inaari ko na lamang iyong isang magandang komplimento.

Balik tayo sa tinatanong ko. Ano ba talaga ang dahilan kung bakit ka naririto? Huwag mong sabihing mahal mo na ako, na kagabi ay bigla na lang tumibok ang puso mo at nagulat ka nang pakinggan mo ito’t malaman na ang itinitibok na niyang puso mo ay ako na.

Hay naku, nangangarap na naman ako.

“Hoy ako, gumising ka nga!”

O bakit ka tumigil diyan sa pag-iyak-iyak mo? Siguro, naubos na rin yang mga luha mo, e kanina ka pa kasi riyan e. Sinusuway ka, ayaw mo namang makinig.

Tingnan mo nga yang mga mata mo, mugtung-mugto na. Siguro ang dahilan pagpunta mo rito ay dahil sa gusto mong sabihin at ipamukha sa akin na hindi ka pumunta rito dahil namimis mo ako at lalong hindi dahil mahal mo ako.

Tanggap ko naman yun e, tanggap ko ng bukal sa loob, na hindi mo ako mahal, na hindi mo ako  kayang mahalin, na hindi mo ako pwedeng mahalin, kahit masakit yon, tanggap ko, kahit parang mawawarat ang puso ko.

Pero mas matatanggap ko sigurong hindi mo ako mahal kung sasabihin mo sa akin yon ng personal, ng harap-harapan, ng deretsahan. Hindi iyong kung anu-anong dahilan ang idinadahilan mo sa tuwing magtatanong ako. Pakiramdam ko tuloy e naglolokohan lang tayo. Yung bang pakiramdam na nakikipaglokohan ako sa taong hindi ko naman niloloko at kailan ma’y di ko kayang lokohin.

Ano nga ba ang mga dahilan mo?

Ah, sabi mo ay bata ka pa. Bakit? Bawal bang umibig ang mga bata? Bente tres ka na, bata ka pa ba niyan, saka tingin ko,  talagang magiging bata ka kahit umabot ka pa ng nobenta dahil hangga’t hindi mo iniiwan at tinatanggap ang katotohanang lahat ng tao ay tumatanda ay mananatili ka ngnag bata, maliban na lamang kung isa ka sa mga maraming taong tumatanda ng paurong, saklap non. At saka kung iyon ang problema mo ay maanong hintayin kong tumanda ka, pero huwag sana yung matandang-matanda na, na uugud-ugod. Pero kung yun ang gusto mo, e di maghihintay ako, yun ay kung gusto mong  maghintay ako.

Sabi mo pa hindi tayo pwede dahil magkaiba ang ating relihiyon. E, maano ba kung magkaiba tayo ng relihiyon. Simple lang naman ang sulusyon diyan, paano? Tatanungin mo ako,  e di mag-iba ka ng relihiyon kung talagnag mahal mo nga ako, at kung hindi talaga pwede ay di ako ang mag-si-shift ng relihiyon para wala ka ng maraming dahilan pa.

Oo, para sayo ay kaya kong gawin ‘yon. Hindi naman kasi ito kuwestiyon ng relihiyon, kundi kuwestiyon ng pag-ibig. Minsan nga naisip ko, ano kaya kung bumaba rito sa lupa si Kristo? Sasabihin Niya kaya sa mga tao kapag nangaral Siyang muli ang ganito?

“Ikaw, kayo, hindi niyo pwedeng mahalin si ganito, kasi magkaiba kayo ng relihiyon, hindi niyo pwedeng mahalin ang kapwa ninyo dahil hindi kayo magkapareho ng pinananiniwalaan, ang mahalin lang ninyo ay ang mga taong karelihiyon ninyo.”

Lagot, kung ganon din lang ang mangyayari, e parang sinabi na rin niyang bawal ang magmahal, na walang gamit ang puso kundi ang mag-proseso lang nang magproseso ng dugo, ng dugong dadaloy sa katawan ng tao upang mabuhay lamang, na oo nga’t buhay ay para namang buhay na bangkay.

Siguro, kung ganon nga ang magyayari ay malamang na itakwil siya ng Kanyang Ama na ating Ama, kasi diba ang gusto niya at utos niya ay magmahalan tayo, kaya nga ibinigay Niya si Kristo, na katulad Niya’y mapagmahal din, upang maging halimbawa.

Pero alam ko namang hindi niya iyon gagawin, dahil unang-una, hindi niya iyon magawa at taliwas sa kanyang turo.

Pero naniniwala ka bang hindi natin maaaring piliin at hiindi dapat natin pinipili ang mga taong gusto nating mahalin.

Sa pag-ibig natin, o mas akma sigurong sabihing sa pag-ibig ko sa iyo, ganito iyon:

Kung kanino tumibok ang puso’y wala tayong magagawa, hindi natin maaaring sabihin na piliin niya ang tiinitibukan niya. Kung sa batas siguro natin ay maaaring tawagin itong paglabag sa tinatawag na kalayaan, kalayaan sa pagpili.

Hay naku, bakit ba kasi pilit iniiba-iba ng tao ang sarili sa kapwa niya tao gayong pare-pareho lang naman tayong tao?

Tuloy ang nangyayari ay magkakaiba tayong mga pare-pareho at mga pare-pareho tayong nagkakaiba-iba-iba.

Saka duon sa pag-shi-shift ko ng relihiyon, gagawin ko lang iyon kung sasabihin mo sa akin, pero paano ko naman gagawin iyon kung wala ka naming sinasabi. Baka isipin ng ibang tao na ipinagsisiksikan ko ang sarili ko sa iyo, pero ang totoo ay wala naman akong pakialam sa isipin at sabihin nila, ang mahirap at inaalala ko ay ang iiisipin at sasabihin mo.

Baka kasi sabihin mong ipinagsisiksikan ko ang sarili ko sayo. Hindi a, tingin ko ay hindi naman iyon maaaring mangyari, kasi possible ba iyong ipagsiksikan ko ang sarili ko sa taong kumakatok ka pa lang ay ipinagtatabuyan ka na?

Ano pa nga ba ang mga dahilan mo?

Iba-iba, kung anu-ano, ewan ko ba kung saan-saan mo napulot ang mga iyon, o kung sinu-sinung kayang tao ang nagbulong sayo. Bakit kasi di mo pa ako diretsahin? Habang pinatatagal mo kasi ay lalo mo lamang akong pinaaasa, na maaaring sa bandang huli’y bibiguin mo rin lang pala. Masakit umasa at mabigo, alam mo yan, pero mas masakit kung umasa ka nang umasa sa matagal na panahon, tapos mabibigo ka rin lang pala. Pakiramdam non ay parang pinaglaruan ka lamang, na pagkatapos kang pagsawaan ay itatapon ka na lamang dahil sa wala ka nang silbi sa kanila. Ansakit-sakit siguro non, ano? Ikaw,gusto mo bang mangyari sa ‘yo iyon?

Siyempre hindi, maliban na lamang kung nababaliw ka na. Pero kahit baliw alam kong hindi gugustuhin iyon.

Pero alam mo, hindi ko kaailan man inasam na marinig mula sa iyo ang mga katagang iyon. Anggulo ko ano? Hinihintay-hintay ko tapos ayaw ko rin lang naman palang marinig. Pero sabihin mo nga sa akin, kasalanan ko ba kung bakit hanggang ngayon ay mahal na mahal pa rin kita?

Minsan  tuloy naisip ko, ano kaya kung ako na lang ang magsabi niyon sa iyo, na hindi kita mahal, para hindi ka na makunsensiya pa, parang iyong sinasabi sa kanta ni Jimmy Bondoc, yung “Let me be the one to break it up, so you wont have to make excuses”

Di ba minsan, nabanggit mo sakin na na gustung-gusto mo iyon, pero paano ko naman ibe-break ang di naman nabuo, at bakit ko naman sasabihin ang hindi totoo. Aba, kahit mas mataas itong bibig ko kaysa sa puso ko, utus-utusan lang ito ng puso ko. Siguro, saka ko lang masasabi iyon kapag patay na ang puso ko, ibig sabihin, kapag dedbol na ako.

Saka nga pala, naaalala mo ba minsan, ng ihatid kita sa inyo, sa boarding haose niyo. Narinig mo ba ang mga patutsada ng mga taong magaganda at gwapo? Yung sinasabi nilang tayo raw ay bagay na bagay sa isa’t isa tulad nina “Beauty at Beast,”

kunsabagay, totoo naman yun e, kasi totoong beauty ka at may bumubuntot sa yong palagi, ako, si beast daw. Para akong binatukan ng ilang beses. Di naman kasi nila kailangang sabihin sa akin na pangit ako, kasi alam ko na iyon, matagal na.

Kunsabagay, kasalanan ko nga rin siguro, di ko kasi sinunod ang payo sa kanta ni Andre E.

“Humanap ka nang pangit at ibigin mong tunay”

O sa aking sitwasyon siguro ay ganito:

“Humanap ka ng kapwa mo pangit at ibigin mong tunay.”

Ilang beses ko pa bang kailangang ikatwiran na hindi kasalanan ang magmahal?

Siguro ang ibig lang nilang sabihin ay hindi ako nababagy sayo.

Pero hindi ba, man is equal regardless of color, race, religion, gender, napag-aralan pa nga natin yun e, pero nagtataka ako, bakit wala yung regardless of face value o physical appearance kaya. A ewan. Kasalanan ko nga siguro, pangako ko kasi sa sarili ko na saka lang ako magmamahal  kapag mayroon na akong maipagmamalaki at sa  kauri ko. Bakit hindi ko nagawa?

Tama nga siguro ang kasabihang, promises are made to be broken, pero naputsa, masarap din palang kainin ang sariling salita paminsan-minsan.

O, o, huwag mong sasabihing iiyak ka na naman. Alalalahanin mo, iisa lang yang dala mong panyo, at basa na iyan…ay naku at umiyak nga…siguro, may umiwan na naman sayo na mahal mo sa buhay?

Ikuwento mo nga sa akin, sino sa kanila? Hindi naman pwedeng ang nanay mo, o ang sir mo, kasi sila lang naman ang mahal mong umalis na dinadamdam mo ang pag-alis at iniiyakan mo. At saka di ba sinabi ko naman sayo na kailangan mong tanggapin ang katotohanan ng pag-alis nila.

Tignan mo ang ibon na nakakulong sa boarding haose ninyo, masaya kayong lahat na nandiyan siya, pinapakain, inaalagaan, pero ano kaya ang pakiramdam niya habang nakikita ang ibang ibon na malayang nakalilipad sa kalawakan samantalanbg siya ay nakakulong, di malaya?

Ikaw talaga oo, andito naman ako e, habang gusto mo akong kasama, sasamahan kita, kahit pa siguro ayaw mo na akong kasama ay sasamahan pa rin kita. Andito lang ako sa tabi mo, hinding-hindi kita iiwan, pangako. At saka di ba nagpaalam na ako sa yo minsan, pero hindi ako umalis, di kita nilisan, simple lang ang dahilan, dahil mahal kita.

Saka yung mga mahal mong umiwan sa iyo, alam ko babalik ang mga iyon. Bakit ko alam? Simpleng logic lang yan, umalis sila upang bumalik, pero ako, hindi ako babalik sa yo, kasi, paano babalik ang hindi naman lumilisan, paano kita babalikan kung di nga kita iniiwanan at maiwan-iwan?

Naku, naku, grabe na yata ang sitwasyon mo, pang heavy drama, o talagang hopeless case ka na? Hahaha, ang pangit mong pagmasdan, lam mo ba yun?

Wa epek pa rin.

Lam ko na, kapag umiyak ka pa riyan, magkakaroon ka ng eye bag, at kapag nagkaroon ka ng eye bag, siyempre, lalalim yan, lalaki hanggang sa yang eye bag mo na lang ang ,maging laman niyang mukha mo, gusto mo ba yun. Sige, bahala ka. At kapag hindi ka pa tumigil diyan, siyempre unti-unting mawawala ang kagandahan mo hanggang sa tuluyang bumagay sa ‘yo ang salitang pangit. Tapos kapag naging ganyan ka na, mahihiya ka ng pumasok sa iskul, hindi na matutupad ang pangarap mong maging isang titser, tapos maghihirap ka, tapos……

Hay naku, ang hirap mong patigilin sa pag-iyak, o sige, ganito na lang, kukwentuhan na lang kita, pero ano bang ikukwento ko sa iyo?

Wala namang maganda sa buhay ko, kung meron man akong maituturing na maganda’y ang pagkakakilala ko sa ‘yo at ang pag-ibig ko sa iyo, yun lang. Yun lang naman ang mga itinuturing kong magandang nangyari sa pangit kong buhay. Buti nga at nakilala kita, kung hindi siguro ay puro na lang kapangitan ang aking buhay, idagdag pang pangit na nga lang ako.

Kasi naman, maituturing mo bang maganda ang buhay na hindi mo naman alam kung saan at kanino ka nagmula?

Oo, ampon ako, iaamin ko, wala naman kasing masama sa pagiging ampon. Napulot sa isang basurahan, inalaagaan, pinalaki at ng maari ng pakinabangan ay inalila na. Hindi ko alam kung sino ang mga tunay kong magulang, kung meron ba akong kapatid, kung kamukha ko ba sila (sana hindi). Ang hirap hirap ng ganito alam mo ba? Pakiramdam koy para akong troso na naanood sa kasgsagan ng malakas na pagbagyo, walang direksyion, yun bang pakiramdam na nag-iisa ka na lamang palagi, di mo alam kung saan ka pupunta, di mo kilala ang iyong pinagmulan,parang bansang walang kasysayan, na basta na lamang nandiyan…kung minsan nga di ko alam kung paano ang magpatuloy. Sinubukan ko namang hanapin ang nawawalang bahagi ng aking pagkatao, pero bigo ako, yung pakiramdam ko ay naghanap ako ng wala naman talaga akong hinahanap.

Ikaw? Kung ikaw ang nasa kalagayan ko, paano mo haharapin ang bukas kung wala ka namang nakaraan? Di ba ang nakaraan ang magiging tulay sa kinabukasan? Sa tingin mo , magkakaroon pa kaya ako ng magandang bukas kahit di ko naman alam ang aking nakaraan?

Siguro tama ka rin sa sinabi mo sa akin minsan, na sapat na siguro ang nakaraan ko para harapin at hanapin ang aking bukas…sapat na siguro iyon…sana nga…

Pero teka, teka lang ha, ano nga ba talaga ang dahilan kung bakit ka naririto? Teka, nasaan ba tayo? Teka lang ha, naguuguluhan ako, paano ba ako napunta rito? At ikaw?

Hmpp. Alalahanin ko, isip,,,isip…isip…at isip pa…

Teka, alam ko na, natatandaan ko na, kahapon ay magkasama pa tayo, di ba? Ang saya saya pa natin. Binigyan pa nga kita ng bulaklak ng kangkong, ewan ko kung saan ko ba nadampot iyon, akala ko pa nga ay hindi mo kukunin pero tinanggap mo naman kahit pabiro ko lang iniabot sa yo, nakangiti ka pa nga at sinabi mong kung ikaw ay  magbibigay ng bulaklak sa taong mahal mo ay pipiliin mo ang bulaklak ng kalabasa, upang mapakinabangan pa niya dahil maaari niya itong lutuin at ulamin…

Nagkatawanan pa nga tayo e, ang saya saya natin sa pagbibiruang iyon, at sa unang pagkakataon ay nakita ko ang kislap sa iyong mga mata….para akong nananaginip ng gising at tulog…

Tapos bigla ka na lang natahimik, naglahong bigla ang mga ngiti sa yong labi. Bumalatay sa yong mukha ang takot.

Yun pala ay paparating ang tatay mong matagal mo ng  kinatatakutan. Galit na galit at papalapit sa atin, sa ating kinarooonan hanggang sa ewan ko na kung anong nangyari, basta nagtagpuan ko na lang ang sarili kong nagtatanggol sa iyo, hanggang sa di ko na maalala ang sumunod doon… tapos…nandito na tayo…tapos dumating ka, umiiyak…

Hoy, nakikinig ka ba? Mabuti naman at tumigil ka na rin diyan sa pag-iyak mo…

Teka, ano ba yang hawak mo? Sulat? Wow…nagsusulat ka na uli… love letter ba yan? Pabasa naman…

Paano Nagsusulat ang Sugatang Puso?

Sa pagitan ng rumaragasang pagpatak ng luha, sa pagitan ng mga hikbi, sa pagitan ng mga impit na pag-iyak, sa pagitan ng mga piping sandali – isinisingit ng sugatang puso ang pagsusulat. Pagsusulat ng mga nasagasaang alaala, ng mga matatamis na ngiti, ng mga halakhakan, ng mga matatamis na sandaling sa isang iglap ay naglaho, na sa pamamagitan ng pagsusulat ay pilit iibahin ang wakas upang kahit man lang sa loob ng papel sa tulong ng lapis ay magwakas na isang masayang kwento ng pag-ibig.

Sa pagitan ng mga tanong, sa pagitan ng mga napakaraming bakit, sa pagitan ng paghahanap ng kasagutan at katugunan – isinisingit ng sugatang puso ang pagsusulat. Pagsusulat ng mga sagot, pagtugon sa napakaraming bakit, paghabi ng mga sagot na titighaw sa uhaw na isipang nagsala-salabid.

Sa pagitan ng mga patlang, sa pagitan ng kawalan, sa pagitan ng mga kawalang katiyakan, – isinisingit ng sugatang puso ang pagsusulat. Pagsusulat ng kasiguruhang  pupuno sa mga patlang at bubura sa mga kawalan upang magkaroon ng kaganapang magbibigay ng katiyakan sa bawat sisinghap-singhap na kaluluwang nalulunod sa patlang ng kawalan.

Sa pagitan ng mga titik at salita, sa pagitan ng mga parirala at pangungusap – isinisingit ng sugatang puso ang  pagsusulat. Pagsusulat ng mga talatang magsisilbing tulay ng mga titik at salita patungo sa manhid na diwang nagkukubli sa kaibuturan ng puso.

Sa pagitan ng mga buntong-hininga, sa pagitan ng mga panghihinayang – isinisingit ng sugatang puso ang pagsusulat. Pagsusulat ng mga sulating  magpapalaho sa mga buntong-hininga at maglilibing sa mga panghihinayang doon sa himlayang lahat ng ‘di magandang alaala ay maglalaho.

Sa pagitan ng nakaraan at ngayon, sa pagitan ng nakalipas at kasalukuyan – isinisingit ng sugatang puso ang pagsusulat. Pagsusulat ng bukas na mag-uugnay sa nakaraan at ngayon at magdurugtong sa nakalipas at kasalukuyan.

Sa pagitan ng mga tuldok na pilit pinapalitan ng kuwit, sa pagitan ng mga panaklong na pilit inaalis, – isinisingit ng sugatang puso ang pagsusulat. Pagsusulat ng mga pangungusap na ‘di nangangailangan ng tuldok pagkat ‘di kailangang tuldukan, ng mga pangungusap na ‘di nangangailangan ng panaklong pagkat ‘di kailangang ikulong, mga pangungusap na malayang makapaglalakbay patungo sa walang hanggang hangganan.

Paano nagsusulat ang sugatang puso?

Sa pagitan ng rumaragasang pagpatak ng luha, sa pagitan ng mga tanong, sa pagitan ng mga patlang, sa pagitan ng mga titik at salita, sa pagitan ng mga buntong-hiniga, sa pagitan ng nakaraan at ngayon, sa pagitan ng mga tuldok, sa pagitan ng lahat ng mga ito, pipiliting isasatitik ng sugatang puso ng lahat ng kanyang mga hinanahikit at paghihirap, mga pangarap at panaginip-kasabay ng patuloy na pag-agos ng dugo mula sa naghihingalong puso na nagpupumilit papaghilumin ang sugat sa pamamagitan ng pagsusulat gamit ang mapulang dugo mula sa pusong sugatan.

Hanggang kailan magsusulat ang sugatang puso?

Hanggang sa maubos ang huling patak ng mapulang dugo mula sa kanyang sugatang puso.

Hanep, galing mo palang kumatha ng ganyan, galing ba yan sa puso mo? Nakakatouch naman, kahit hindi ko masyadong naintindihan, ang lalim mo pa lang magsulat, talaga naman a… anak ka ba ni Balagtas, lolo mo si Jose Rizal?

Alam mo, me future ka sa mundo ng pagsusulat, gaya ng mga idol mong babaeng manunulat, sino nga ba sila?

Genoveva Edroza Matute, Liwayway Arceo, Ligaya Tiamson Rubin, Ruth Mabanglo, Lualhati Bautista, pati sina Rina Jimenez David at Jessica Zapra ay nagugustuhan mo na rin.

Di ko nga sila kilala dati e, pero hanep ka talaga, mas hinahangaan mo pa sila kesa sa mga naggagandahang artista a, ibang klase ka talaga. Ni hindi ko sila kilala pero salamat na rin sa’yo at ipinakilala mo ang mga feministang manunulat na mga ito.

Uy, at ano pa yang hawak mo? Bulaklak ng kalabasa? Saan mo naman nakuha yan?

Teka, di ba ang sabi mo, ang bibigyan mo lang ng ganyan ay ang taong mahal mo? E tayo lang namang dalawa ang nandito a? Huwag mo akong bibiruin, huwag mong sasabihing sa akin mo ibibigay yan?

Hoy,. Hoy, saan ka pupunta? Andito ako sa tabi mo, kala ko ba sa akin mo ibibigay yan? Hay… kung di sa akin, kanino?

O, bakit mo inilapag yang mga bulaklak na iyan diyan? Teka, ano ba yang nakasulat diyan sa pinaglagyan mo?

Tskkk…at bakit umiiyak ka na naman? Kala ko ba ubos na ‘yang luha mo? Mukhang may factory ka ata ng balde-baldeng luha riyan a.

Saka teka, ano ba yang nakasulat diyan?

BENJAMIN NATIVIDAD

R.I.P

Born: August 27, 1984

Died: November 11, 2002

Teka, teka, pangalan ko yan a: Bakit nakalagay ang pangalan ko riyan?, Hoy, hoy, ano ba kasing iniiyak-iyak mo riyan? Sagutin mo nga muna ako.

JEJEMON ZEITGEIST

JEJEMON is a pop culture phenomenon in the Philippines. Jejemons are defined by Urban Dictionary as those “who has managed to subvert the English language to the point of incomprehensibility and online lynch squads.” A Jejemon is described as one of a “new breed of hipsters who have developed not only their own language and written text but also their own sub-culture and fashion.” Jejemons also imitate “gangster” like attitudes which make them similar to the English chav, Scottish ned, Irish skanger, Russian gopnik and Australian & New Zealand bogan.

ETYMOLOGY

The word “Jejemon” supposedly originated from online users’ penchant to type in “hehehe” as “jejeje”, either because “jeje” is derived from Spanish, whose speakers denote the interjection as laughter, or because the letters “h” and “j” are beside each other, and that it is appended by “-mon” that came from the Japanese anime Pokémon, with “-mon” meant as “monster,” hence “jeje monsters.”

ORIGINS

The origins of short-handed typing was through the short messaging service, in which each text message is limited to 160 characters. As a result, an “SMS language” developed in which words were shortened in order to fit the 160-character limit. But the “new generations” of jejemons aren’t really “conserving” characters instead they are lengthening it. In the internet, the Jejemon phenomenon started in “early April.” On April 14, 2010 at Pinoy Tumblr, a post about vice presidential candidate Jejomar Binay indicating that he was the Jejemon’s preferred vice presidential candidate, complete with a fake poster with him called as “Jejemon Binay.” Later the use of word “Jejemon” to refer such people made rounds in various Filipino internet message boards. Such short-handed language is not limited to Filipinos: Thais use “5555” to denote “hahahaha,” since the number 5 in Thai language is pronounced as “ha.”

DEMOGRAPHICS

The Jeje-mons are said to be the new “jologs”, a term used for Filipinos of the lower income class. Jejemons are often attributed to be of inferior intellect, but this belief may be wrong as a number of them exist in exclusive schools and science high schools. The parameters of being classified as a Jejemon are still unclear, and how the different “levels” of “Jejemonism” are reached, although  there are named levels such as “mild,” “moderate” and “severe” or “terminal.”

JEJENESE AND JEJEBET

The sociolect of the Jejemons, called Jejenese, is derived from English, Filipino and their code-switched variant Taglish. Their alphabet, Jejebet, uses the Roman alphabet, including the Arabic numerals and other special characters. Words are created by rearranged letters in a word, alternating capitalization, over-usage of the letters H, X or Z and mixture of numeric characters and our normal  alphabet. The spelling convention shares similarities with Leetspeak.

Examples:

  • Filipino: “3ow ph0w, mUsZtAh nA?” translated into Filipino as “Hello po, kamusta na?, and in English as “Hello, how are you?”
  • English: “i wuD LLyK tO knOw moR3 bOut u. crE 2 t3ll mE yur N@me? jejejejeje!” translated into English as “I would like to know more about you, care to tell me your name? Hehehehe!”
  • aQcKuHh- means me/ako
  • lAbqCkyOuHh- means I love you
  • yuHh- means you
  • jAjaJa- garbled words conveying laughter
  • jeJejE- a variation of jAjaJa; conveys sly laughter
  • iMiszqcKyuH- means I miss you
  • eEoWpFhUeEhsxz – means hi/hello

REACTIONS

Initial reaction to the Jejemons is irritation and bewilderment. Jejemons are likely to encounter hate; some had seen their Facebook wall with people wishing their death. Several Facebook fan pages were created both in support and against the group. However, celebrities such as Rico Blanco, Alessandra de Rossi, Ces Drilon, and Lourd de Veyra have condemned the wholesale ridicule of the subculture.YouTube videos were also uploaded parodying the Jejemons, connecting them to the election campaign. Edited television advertisements of Nacionalista Party proclaiming their disdain for Jejemons, and an edited photograph of Gilberto Teodoro with him holding a sign saying that the Jejemons be “brought back to elementary school” went viral.

As part of the pre-school year clean-up of school s for the upcoming 2010-11 school year. the Department of Education (DepEd) strongly discourages students from using Jejemon spelling and grammar, especially in text messaging. Communicating with other using Jejemon are said to cause deterioration of young Filipino students’ language skills. The Department of Education (DepEd) may be concerned about the effect of the jejemon subculture in schoolchildren’s future, but a Filipino professor says there is no cause for alarm. “Lilipas din ‘yan at normal lang na magkaroon ng variations sa language. In fact, healthy pa nga sa wika ‘yun,” said Dr. Jimwell Naval. The professor added that jejemon is just a fad; it will not affect Pinoy lifestyle as a whole. Neither will jejemon, he said, affect the performance of schoolchildren in entrance exams because the use of jeje-speak or jejenese, the “language” of jejemon, is just marginal. Naval called on the DepEd instead to focus on academic issues since jejemon is just a set of codes among today’s kids and is not language or literature. The youth who are into jejemon just want to give a new spin to the Filipino language.

The League of Filipino Students (LFS) is also calling on the DepEd to focus on other problems in education instead of the jejemon issue. “They are barking at the wrong tree pohw. Mas maganda mag-all out war na lang sila sa mga textbook errors at corruption issues sa DepEd imbis na jejemon,” said Terry Ridon of the LFS.    Parents and teachers should be focusing their attention more on forming the values of the young rather than curbing their preference for “jejemon” or unusual or fancy spelling habits when composing text messages, a Roman Catholic prelate Catholic Bishops Conference of the Philippines’ Episcopal Commission on the Youth chair,  Bishop Joel Baylon said that he believes jejemon addicts were simply expressing themselves and that the unusual way of spelling words will be a ‘passing fad.’ “It’s not to be worried about, because the young people, they are  just doing crazy things. It’s just an expression, a part of lifestyle like their way of dressing, their hairstyle.  It  is  their way to express themselves,” Baylon said.

(Source: Wikipedia, Abs-cbnnews.com, Inquirer.net)

Huwad

Pinanday tayo upang maging katulad ni Kristo

pinadilaan sa apoy ng naglalagablab

na impiyerno ng karunungan

inilublob sa kumukulong asupre

ng kagandahang-asal

habang abala sa paggatong ang mga pantas

upang papagliyabin

ang dambana ng kanilang bokasyon.

Aahon tayong patay na santo

mag-aala-Samsong magpapaguho ng templo

mag-aala-Delaylang lilinlang kay Samson

lalakad tayong pasan ang krus sa likod

habang hawak-hawak ang bibliya

habang ang mga pantas

ay tahimik lang na nakamata

sa ating pagtapak sa bagang nagliliyab

patungong sinagoga.

Magpapatuloy tayo sa paglalakad

habang bumibigat ang krus

at sa likura’y nakasunod

ang mga Hudas at Maria

ang mga Magdalena at Hose

ng ating panahon at ibang panahon

ng kung kaninong panahon

na lumilikha ng prusisyon.

Aakyat tayo sa Golgota

ititindig ang pinasang krus

habang at  kahit

nagngingitngit si Hudas

lumuluhod si Maria

tumatangis ni Magdalena

lumuluha si Hose.

Ipapako ang huwad na kristong likha

ng mga huwad na pantas

habang nasusunog, naagnas,  naaabo

ang huwad na pantas

ang huwad na santo

ang huwad na tagasunod

ng huwad na kristo.

Unti – unti nang nawawala ang kanyang mga kasama. Noong isang araw ay binili na sa Bolang Puti. Kahapon naman ay si Bolang Berde. Tapos, kaninang umaga nama’y sina Bolang Asul at Bolang Pula. Ngayon, tanging siya na lamang ang natitirang bola sa tindahang iyon ni Mang Teban.

“Buti pa kayo makapaglalaro na,” ang naiinggit na sabi ni Bolang Negro kina Bolang Asul at Bolang Pula matapos marinig ang usapan nina Mang Teban at ang mamang bibili sa dalawa.

“Ikaw naman Bolang Negro,” ang sabay na sabi nina Bolang Asul at Bolang Pula matapos magsalita si Bolang Negro. “Alam naming darating din ang araw na makapaglalaro ka,” dagdag pa ng dalawa.

Hanggang sa tuluyan ng kunin ang mga natitira niyang kasamahan. Lungkot na lungkot si Bolang Negro. Nag-iisa na lamang siya. At ngayon, malapit na namang magsara si Mang Teban ay wala pa ring bumibili sa kanya.

“Kung bakit kasi ang pangit-pangit ng kulay ko, ang itim-itim ko. Kaya tuloy walang bumibili sa akin,” paghihinakit ni Bolang Negro. “Hindi na talaga ako makapaglalaro kailanman,” ang sabi ni Bolang Negro sa kanyang sarili matapos makita si Mang Teban na naghahanda na para umalis.

Mayamaya pa, nang paalis na si Mang Teban, isang mama ang biglang dumating. Naghahanap ito ng bagay na maipanreregalo sa kanyang inaanak na may kaarawan kinabukasan. At nang makita ang bolang itim ay nasisiyahang kinuha ito. Walang pagsidlan ang kaligayahan ni Bolang Negro nang tuluyan siyang bayaran kay Mang Teban.

Habang nasa daan ay hindi pa rin makapaniwala si Bolang Negro. “Sa wakas makapaglalaro na rin ako,” ang sabi niya sa kanyang sarili.

Subalit biglang nawala ang kanyang kagalakan nang maalala ang kanyang hitsura. Nag-alinlangan siya kung magugustuhan kaya siya ng kanyang magiging kalaro. Magugustuhan kaya ang isang negrong katulad ko? Ito ang katanungang naglalaro sa kanyang isip.

Hanggang sa sapitin nila ang bahay ng mamang bumili sa kanya. Agad siyang inilabas at agad ding binalot.

Kinabukasan, habang dala-dala siya ng mama, naririnig ni Bolang Negro ang masasayang tawanan ng mga bata. At bagama’t nag-aalinlangan siya kung magugustuhan kaya siya ay naroon pa rin sa kanya ang kasabikang makalabas na at makaglaro.

“Yeheyyyy!!!,” ang natutuwang sigaw ni Junjun matapos mabuksan at makita ang bolang regalo sa kanya ng kanyang ninong. Dali-dali niya itong ipinakita at ipinagmalaki sa kanyang mga kalaro. Marami pa siyang natanggap na regalo subalit pinakagusto niya sa lahat ang bolang itim na regalo sa kanya ng kangayng ninong.

“Regalo sa akin ni ninong,” pagmamalaki niya habang idini-dribol ang itim na bola. Kung gaano kaligaya si Junjun sa pagkakataong iyon ay mas higit naman ang nararamdaman ni Bolang Negro.

Mula noon ay masaya silang naglalaro ni Junjun. Kung minsan ay sila lamang dalawa, kung minsan nama’y kasama nila ang mga kaibigang bata ni Junjun. Nawala na rin sa isip ni Bolang Negro ang panliliit dahilan sa kanyang hitsura. Marami silang masasaya at magagandang karanasan ni Junjun.

Subalit isang araw, gayon na lamang ang pagkainis ni Bolang Negro nang maglaro sila kasama ang bagong kaibigan ni Junjun na si Moymoy. Si Moymoy ay anak ng bagong lipat na kapitbahay nina Junjun at ito ay pilay. Hindi ito nakapaglalakad kung walang saklay.

Ayaw na ayaw ni Bolang Negro na kalaro si Moymoy dahil sa kapansanan nito. Ayaw rin niyang hinahawakan siya ni Moymoy. Subalit kung gaano niya kaayaw na kalaro si Moymoy ay ganon naman ito kagusto ni Junjun. Tuwang-tuwa pa nga ang dalawa kung naglalaro sila, bagay na kinaiinisan naman ni Bolang Negro.

Mula nang dumating si Moymoy ay nawala na ang sigla ni Bolang Negro na maglaro. Hindi siya masaya kapag kasama nila si Moymoy.

“Yan kasing pilay na yan e,” ang naiinis na sabi ni Bolang Negro sa kanyang sarili. “Tingnan ko lang kung ano ang gagawin ninyo kung wala ako. Tingnan ko lang kung magiging masaya pa kayo,” ang naiinis na sabi niya sa kanyang sarili.

Pagkaraan ng ilang sandali’y may biglang dumampot sa kanya. Ang kuya pala ni Junjun. Idrinibol-dribol siya at nang magsawa ito’y ibinato sa isang sulok ng bahay at agad na pumasok sa kanyang kwarto. Hindi na nito nakita ang paggulong pababa ni Bolang Negro.

Gumulong-gulong si Bolang Negro. Mula sa bahay nina Junjun, sa kalsada hanggang sa humantong siya sa isang putikan.

Ang buong katawan ni Bolang Negro ay nabalutan ng putik. Gusto niyang umalis sa lugar na iyon subalit wala siyang kakayahan upang gawin iyon. Nanlalagkit siya. May kung anu-anong insekto pa ang gumagapang- gapang sa kanyang katawan. Mayamaya’y pa ay may nagtapon ng basura sa kinaroroonan niya na lalung nagpalubog sa kanya.

Ngayon ay malayo na nga siya kay Junjun at lalung-lalo na sa kinaiinisan niyang si Moymoy. Subalit lubos ang kanyang pagsisisi. Ngayon lamang niya naisip kung gaano kalaki ang kanyang pagkakamali. Naalala niya ang pagtanggap at pagmamahal na iniukol sa kanya ni Junjun. Ang pagtanggap nito sa kanya sa kabila ng kanyang hitsura. Tapos, ang hindi niya pagtanggap kay Moymoy? Sino siya upang hindi tanggapin si Moymoy na maging kaibigan kung siya mismo ay tinanggap ni Junjun ng buong-puso, bilang siya?

Nagsisisi siya subalit alam niyang huli na ang lahat. Ilang araw na siya roon at alam niyang doon na siya magpakailanman.

“Nakita niyo po ba ang aking bola, itim po ang kulay nito. Parang awa niyo na, sabihin niyo naman kung  nakita niyo ito.”

Nabigla si Bolang Negro. Kilalang kilala niya ang may-ari ng boses na iyon.

“Kay Junjun ang boses na iyon at hinahanap ako,” ang natutuwang sabi ni Bolang Negro sa kanyang sarili.

Gustong isigaw ni Bolang Negro na naroon lamang siya sa malapit ngunit wala siyang boses. Mayamaya pa’y may naramdaman siyang humahalungkat sa kinaroroonan niya. Humihingal ito at marungis ang hitsura. Nang makita niya siya nito ay biglang naglulundag ito sa tuwa.

“Yeheyyyy!!!, nahanapan ko rin ang aking bola.”

Iniuwi ni Junjun si Bolang Negro sa kanila. Hinugasan at nilinis kaagad ito hanggang sa bumalik ang dati nitong anyo.

Hindi alam ni Bolang Negro kung paanong nahanapan siya ni Junjun, subalit alam niyang iyon ay dahil sa pagmamahal na iniukol nito sa kanya sa kabila ng lahat.

Kinabukasan ay masayang naglaro sina Junjun, Moymoy at Bolang Negro. Subalit sa kanilang tatlo, higit ang kasiyahang nararamdaman ni Bolang Negro.