(Bahagi ng aking maikling kwentong ‘Anong iniiyak-iyak mo riyan?’. Due to insistent bloggers demand (me ganun? karamihan sa kanila ay mga kaibigan ko at estudyante, jeje) ihiniwalay ko ito kasi kaya naman daw tumayong mag-isa bilang sanaysay. Pasintabi sa pinagpipitaganang manunulat na si Ligaya Tiamson Rubin))

Sa pagitan ng rumaragasang pagpatak ng luha, sa pagitan ng mga hikbi, sa pagitan ng mga impit na pag-iyak, sa pagitan ng mga piping sandali – isinisingit ng sugatang puso ang pagsusulat. Pagsusulat ng mga nasagasaang alaala, ng mga matatamis na ngiti, ng mga halakhakan, ng mga matatamis na sandaling sa isang iglap ay naglaho, na sa pamamagitan ng pagsusulat ay pilit iibahin ang wakas upang kahit man lang sa loob ng papel sa tulong ng lapis ay magwakas na isang masayang kwento ng pag-ibig.

Sa pagitan ng mga tanong, sa pagitan ng mga napakaraming bakit, sa pagitan ng paghahanap ng kasagutan at katugunan – isinisingit ng sugatang puso ang pagsusulat. Pagsusulat ng mga sagot, pagtugon sa napakaraming bakit, paghabi ng mga sagot na titighaw sa uhaw na isipang nagsala-salabid.

Sa pagitan ng mga patlang, sa pagitan ng kawalan, sa pagitan ng mga kawalang katiyakan, – isinisingit ng sugatang puso ang pagsusulat. Pagsusulat ng kasiguruhang  pupuno sa mga patlang at bubura sa mga kawalan upang magkaroon ng kaganapang magbibigay ng katiyakan sa bawat sisinghap-singhap na kaluluwang nalulunod sa patlang ng kawalan.

Sa pagitan ng mga titik at salita, sa pagitan ng mga parirala at pangungusap – isinisingit ng sugatang puso ang  pagsusulat. Pagsusulat ng mga talatang magsisilbing tulay ng mga titik at salita patungo sa manhid na diwang nagkukubli sa kaibuturan ng puso.

Sa pagitan ng mga buntong-hininga, sa pagitan ng mga panghihinayang – isinisingit ng sugatang puso ang pagsusulat. Pagsusulat ng mga sulating  magpapalaho sa mga buntong-hininga at maglilibing sa mga panghihinayang doon sa himlayang lahat ng ‘di magandang alaala ay maglalaho.

Sa pagitan ng nakaraan at ngayon, sa pagitan ng nakalipas at kasalukuyan – isinisingit ng sugatang puso ang pagsusulat. Pagsusulat ng bukas na mag-uugnay sa nakaraan at ngayon at magdurugtong sa nakalipas at kasalukuyan.

Sa pagitan ng mga tuldok na pilit pinapalitan ng kuwit, sa pagitan ng mga panaklong na pilit inaalis, – isinisingit ng sugatang puso ang pagsusulat. Pagsusulat ng mga pangungusap na ‘di nangangailangan ng tuldok pagkat ‘di kailangang tuldukan, ng mga pangungusap na ‘di nangangailangan ng panaklong pagkat ‘di kailangang ikulong, mga pangungusap na malayang makapaglalakbay patungo sa walang hanggang hangganan.

Paano nagsusulat ang sugatang puso?

Sa pagitan ng rumaragasang pagpatak ng luha, sa pagitan ng mga tanong, sa pagitan ng mga patlang, sa pagitan ng mga titik at salita, sa pagitan ng mga buntong-hiniga, sa pagitan ng nakaraan at ngayon, sa pagitan ng mga tuldok, sa pagitan ng lahat ng mga ito, pipiliting isasatitik ng sugatang puso ng lahat ng kanyang mga hinanahikit at paghihirap, mga pangarap at panaginip-kasabay ng patuloy na pag-agos ng dugo mula sa naghihingalong puso na nagpupumilit papaghilumin ang sugat sa pamamagitan ng pagsusulat gamit ang mapulang dugo mula sa pusong sugatan.

Hanggang kailan magsusulat ang sugatang puso?

Hanggang sa maubos ang huling patak ng mapulang dugo mula sa kanyang sugatang puso.

Advertisements