pagmumuni-muni

Kapag tinatanong ako ng mga kakilala ko kung anong trabaho ko, sinasagot ko sila ng ganito: “I am a master of knowledge, in my hands lies the collapse or triumph of all humanity. I am the quintessence of your desires and the recycler of your vestiges.”

NAKS! Tunog  sosyal, tunog mayaman. Sarap pakinggan, in short, (tantananan..tanan…drumrolls please) isa akong titser. Kapag nirereveal ko na sa kanila ang aking propesyon, mahaba-habang tawanan ang kasunod niyon. Tumatawa sila, tumatawa ako. In short, nagtatawanan kami. (emphasis dun sa nagtatawanan kami, re: hindi ako pinagtatawanan)

Sa mga sitwasyong ganito, gusto kong isiping hindi ang pagiging titser ko ang kanilang tinatawanan kundi ang aking kakornihang patawa. Wala naman kasing nakatatawa sa pagiging titser (hehehe…)

English ang subject na itinuturo ko sa paaralan sa ngayon. Apat na klase. Tig-dalawa sa grade six at grade five, maliban pa sa HEKASI at EKAWP.

Kapag tinatanong naman ako kung anong itinuturo ko, sinasabi ko, “I’m an English teacher,” (kasabay nuon ang pamimilipit ng dila ko kasi pinipilit kong magtunog otentik englisher). “I also teach Social Science (HEKASI) and Ethics (EKAWP). “Aside from that, I’m also in charge of filing, organizing and recording of clienteles progress (ehem uli) and I also function as a guidance counselor/psychologist/psychiatrist to my pupils (ehem na naman – parang hindi na teacher ang dating)

Noong Filipino naman ang itinuturo ko, mas sosyal ang sagot ko, “Im a language and literature teacher.” At noong may subject akong science, sinasabi kong “I teach physics, biology, chemistry and general sciences in capsule.” ( tunog intellektwal).

Nagturo naman ako ng Mathematics ng mga ilang linggo dati, pero, talagang ginawa ko ang lahat (naghunger strike, nagwelga at nag-civil disobedience ako – joke lang) para alisin sa akin ang sabjek na ito. Masakit mang aminin pero ‘one level lower’ ang intellectual ability ko rito (eupemismo ba to sa pagigin bopol ko sa Math? – huwag nyo ng tanungin kung ano ang mga grades ko dito noong nag-aaral ako, baka hindi kayo maniwala kung sasabihin kong mataas) Kunsabagay, yakang-yaka ko naman ito, (alangan namang aamin akong hindi) kaya lang napupuyat ako sa gabi dahil pinag-aaralan ko ito ng maigi bago ituro. (honestly) Buti na lang may dumating na mas mahusay sa Math kaysa sa akin (as in). Pero kung saka-sakali at nagtuturo pa ako ng Math at tinanong ako kung anong sabjek ang hawak ko, malamang ito ang isasagot ko “I am incharge in educating the frail minds with numerical and analytical abilities emphasizing to them the logic of numbers thus making them a critical thinkers.” (nahirapan ako dun a)

May panahon ding nahawakan ko ang sabjek na MSEP (Musika, Sining at Edukasyong Pangkatawan o P.E). Mahirap iyong ituro lalung-lalo na kung wala kang alam dito. (kunsabagay lahat naman ng sabjek) Sa pagnanais na maituro ito ng maayos, lumabas tuloy ang natatago kong galing sa pagkanta ng  DODO  (lower do, higher do), SOSO/SOLSOL (lower so/sol, higher so/sol), TITI (lower ti, higher ti), paggawa ng sining (pinaka specialty ko ang abstract art – mahusay ako rito) at mga may kinalaman sa pampalakasan/isports (bahala ka na kung maniniwala ka sa mga ito). Masaya naman, at least naranasan kong ipinagmalaki na, “I once taught the fundamentals of music, rudiments of arts and the aesthetic beauty of physical astuteness.”

Pero ang kaisa-isang sabjek na hindi ko pa naituturo ay ang EPP. (Edukasyong Pantahanan at Pangkabuhayan). Naisip ko, paano kaya ako magtutuo ng pagsusulsi, pagtatahi, pagtatabas ng damit kung sakali, kung ako mismo’y natutusok madalas ng karayon pag nananahi? (baka nga sabihin kong bumili na lang sila ng damit at iyon ang project nila) Paano ko kaya huhusgahan ang mga lulutuin nila gayong pancit canton lang e hindi ko pa maayos lutuin (baka magpabili uli ako ng lutong ulam na lang). Paano ko kaya ipaliliwanag  ang mga pagreregla, pagtubo ng mga suso at mga buhok, paglapad ng balakang ng di mangingiti o matatawa? (marami-rami din kasi akong masasarap este magagandang alaala sa mga ito e, yung bahaging pagbibinata, pagpapatuli at iba pa, okey lang kasi pinagdaanan ko yun). Magkagayon pa man, kung saka-sakali, kakayanin ko naman siguro (ako pa? yabang lang) At kapag nagtuturo na ako nito, ipagmamayabang kong “I’m teaching human physiology guided by proper nutrition aimed at producing pupils with vigor.”

Titser lang ako. Alisin daw natin yung ‘lang’ dahil hindi ni-la-lang ang propesyong ito. Mabigat ang responsiblidad na kaakibat nito ( paging<peydying>  spiderman, “with great powers come great great responsibility” effect).

Pero para sa akin, ang pagdaragdag ng lang kapag sinasabi ko ang aking  propesyon ay isang magandang pamamaraan para malaman kung ano ang reaksyon ng mga taong sinasabihan ko. Kapag nagreact sila’t sinabing hindi dapat ni-la-lang ang aking kumikitang kabuhayan este propesyon a.k.a misyon a.k.a bokasyon, hudyat iyon na hindi ko na kailangang magperform ng intellectual masturbation sa harapan niya dahil siya na mismo ang gumagawa nun sa akin. At mas masarap iyon kaysa sa self  intellectual masturbation.