“DAMASO”

Ito ang nakasulat sa plakard na hawak ni Carlos Celdran, isang tour guide AKA Reproductive Health Bill Advocate AKA Jose Rizal impersonator nang pumasok siya sa Manila Cathedral habang kalagitnaan ang misa at bulabugin ang mga kaparian at parokyano.

“Stop getting involved in politics,” sigaw niya.

Pero habang pinagpipiyestahan sa telebisyon, radyo, pahayagan, internet sites si Celdran, heto naman ako’t pinagpipiyestahan din ng mga kaibigan at kakilala ko.

Sa dinami-rami ba naman kasi ng mga pwedeng isulat sa plakard tulad ng 8&^$#(**#@,” “*&^!@#%^,” “^%$&(&%*,” at “&%^$@!$^&,” ang aking apelyido pa ang kanyang napili. Opo, “DAMASO” nga ang aking apelyido. Ito ang ipinamanang apelyido ng aking tatay na minana pa niya sa kanyang tatay na minana ng kanyang tatay sa kanyang tatay na minana …

Pero sino nga ba si (Padre) Damaso? Siya lang naman po ay isang paring tauhan sa sinulat na nobela ni pareng Jose Rizal. Isang paring sumasalungat sa magandang aral na dapat sana’y turo ng simbahan. Malupit, mabagsik, isang moralistang imoral ikanga. At siyempre pa, siya ang ama ni Maria Clara.

Nung makagradweyt ako ng hayskul, akala ko nakaligtas na ako sa pagtatanong/pagtataka/pagtatawa ng mga nakakasalamuha tungkol sa realisasyon sa apelyido ko, ngayon naman muling ibinabalik ni G. Celdran ang nakalipas.

Buti na lang at mas kilala ako ng mga estudyante ko sa aking unang pangalan. Unang araw pa lang kasi ng klase ay ipinakikikilala ko na sa kanila at mahigpit na bilin na mas gusto kong tawagin ako sa aking unang pangalan. Kaya naman sa katagalan ito na ang kanilang nakagawian. ‘Benedick’ ito ang aking pangalan. (Astig di ba? Ehem… Walang kokontra)

Pero ang problema ko naman, madalas napagkakamalang ‘t’ ang huling letra sa first name ko, ginagawa nila itong ‘Benedict,’ na sa kalaunan ay dadagdagan pa ng ‘o’ kaya naman nagiging ‘Benedicto.’ Nagtutunog tuloy makaluma. Parang kapanahunan ko tuloy sina pareng Bonifacio, Procopio, Anastacio et.al. Kaya naman palagi kong ine-emphasize na ‘k’ ang huling letra sa aking pangalan.

Looking back, marahil naisip ng aking mga magulang dati ang ganitong senaryo kaya ang ginawa nilang last letter sa first name ko ay ‘k’ (bravo!) Bagama’t may isa pa akong teorya, marahil nagkamali sa pagta-type ang clerk ng civil registrar sa amin. (typewriter pa kasi ata gamit nun, hanggang ngayon ata…)

Sa susunod na taon, papalitan ko na uli at iibahin ko na ang pangalang pauusuhin ko. Siguro ‘Ben’ na lang o kaya ay ‘Benz’ o ‘Bench’ o ‘Bene’ bahala na kung anong maisip ko, huwag lang ‘Dick’

Pagkatapos ng ilang taon, parang mas gugustuhin ko ng ‘t’ ang huling letra ng first name ko, paano ba naman kasi ay naging mas malikhain na ngayon ang ating mga lenggwahe (may buhay raw kasi ang wika, umuunlad, sumusunod sa panahon ayon sa guro ko ‘nong nasa kolehiyo ako).

Ayokong dumating ang panahong tawagin ako sa palayaw na ‘Dick’ lalo na ng mga estudyante ko. Imagine…

“Good Morning Sir Dick”

“Good Afternoon Sir Dick!”

“Good Evening Sir Dick!”

Masagwa, malaswa. Kung bakit? Alamin mo. Hindi ka naman siguro ipinanganak kahapon.

Sabi nga nila “Prevention is better than cure” (ngayon, ano ang koneksiyon? Bahala ka na uli kung paano ito maikokonek)

Advertisements