Tag Archive: kwentong chalk


Sinulat ni Benedick N. Damaso

Noong unang panahon sa isang napakalapit na kaharian, naisipan ng hari na hanapin upang parangalan ang pinakadakilang tao sa kanyang nasasakupan. Malakas na kandidato ang mga pulitiko. Hindi rin mapasusubalian na paboritong manalo ang mga abogado, doktor, inhinyero, businessman, arkitekto at iba pang mga propesyunal. Pero ayaw magpatalo ang mga pulis, sundalo, nars, caregiver, OFW, call center agent, pati taga-MMDA.

Natagalan ang hari sa pamimili sa dami ng mga dumating na gustong mapili. Gabi na ng sa wakas ay humarap ang huling kandidato.

“Sino naman ito? Ano ang nagawa niya para maglakas loob na pumarito?” anang hari.

Sumagot ang sekretarya ng hari, “Nakita at nainterbyu po ninyo ang mga naunang gustong mapili. Mahal na hari, ang tao pong ito ang kanilang guro,”

Palakpakan ang mga tao, namangha at nagkasundong ito na nga ang pinakadakila sa lahat. Pumasok ang hari sa deliberation room. Kinausap ang mga tagapayo. Nag-debate sila at nagkasundo rin sa wakas sa pagsunod sa hari.

Paglabas ng hari para ianunsiyo ang napili, halos hindi humihinga ang lahat.

“Mga minahal kong kababayan, ang napiling pinakadakila sa lahat ay walang iba kundi ang inyong minamahal na hari. Wala ng iba pa. Ako ‘yun.”

Bulungan ang mga tao. Hindi makapaniwala. May mga nagmumura ng palihim. May gustong magtaas na ng plakard. May akmang magwewelga.

“May tumututol ba? Kung mayroon man ay magsalita na ngayon pa lang,” sabay himas sa mga alaga niyang leon na kanina pa nakabantay sa kanyang trono.

Natigil ang mga bulung-bulungan. Naitago kaagad ang mga plakard. Naisantabi ang ideya ng welga at nagpalakpakan ang lahat.

“Mabuhay ang mahal na hari, siyang pinakadakila sa lahat!” sigaw ng taumbayan.

Ito ang kwentong ibinahagi ko sa aking mga kapwa guro minsang magkaroon kami ng kwentuhan isang hapon pagkatapos ng isang araw na pagtuturo.

Kamakailan, ibinahagi ko uli ang kwentong ito sa akin namang mga mag-aaral. Pero sa pagkakataong ito, iniba ko ang wakas.

Noong unang panahon sa isang napakalapit na kaharian, naisipan ng hari na hanapin upang parangalan ang pinakadakilang tao sa kanyang nasasakupan. Malakas na kandidato ang mga pulitiko. Hindi rin mapasusubalian na paboritong manalo ang mga abogado, doktor, inhinyero, businessman, arkitekto at iba pang mga propesyunal. Pero ayaw magpatalo ang mga pulis, sundalo, nars, caregiver, OFW, call center agent, pati taga-MMDA.

Natagalan ang hari sa pamimili sa dami ng mga dumating na gustong mapili. Gabi na ng sa wakas ay humarap ang huling kandidato.

“Sino naman ito? Ano ang nagawa niya para maglakas loob na pumarito?” anang hari.

Sumagot ang sekretarya ng hari, “Nakita at nainterbyu po ninyo ang mga naunang gustong mapili. Mahal na hari, ang tao pong ito ang kanilang guro,”

Palakpakan ang mga tao, namangha at nagkasundong ito na nga ang pinakadakila sa lahat.

Bumaba ang hari mula sa kanyang trono. Nilapitan ang matanda na ring guro at pinarangalang pinakadakila sa lahat.

“Mabuhay ang guro, siyang pinakadakila sa lahat!” sigaw ng taumbayan.

Ewan ko ba. Pero habang ikinukwento ko ito sa aking mga mag-aaral, pakiramdam ko’y niloloko ko lang ang aking sarili. Hindi dahil sa hindi ako naniniwalang pinakadakila ang mga guro kundi dahil hindi ko naman nararamdaman na ganun ang turing sa amin ng lipunan. Manhid lang siguro ako o talagang sadyang manhid ang ating lipunan?

Bakit ko nga ba ikinwento pa ito sa aking mga mag-aaral? Marahil naghahanap ako ng kakampi, marahil naghahanap ako ng papuri, marahil naghananap ako ng mga kaluluwang maniniwala at magsasabing tama ang aking desisyon na maging isang guro, na tamang pinasok ko ang mundo ng pagtuturo. Naghahanap nga siguro ako ng depinisyon sa aking pagiging guro.

“Paglaki ko, gusto kong maging doktor o kaya ay inhinyero, manedyer kaya, pwede ring dentista o kaya ay sundalo, mas maganda ata kung piloto, pero parang mas okey ata kung abogado, hmp…kahit ano na lang basta yung yayaman ako…”

Paulit-ulit, makailang libong beses  ko ring nasambit ang mga ito noong ako’y bata pa, makailang libong beses ko ring napangiti ang aking mga magulang dahil dito, makailang libong beses din itong nagpangiwi sa aming mga ibang kamag-anak at kapitbahay.

Gusto ko rin sanang maging guro noong bata pa ako, kaya lang kapag nakikita ko kung gaano kahirap ang mga pinagdadaanan ng aking mga nagiging guro, nagdadalawang isip ako. Batid kong napakalaki kasi ng inaasahan sa kanila. Napakalaki ng responsibilidad na nakaatang sa kanilang mga balikat. Mula nuon, inabandona ko na ang pangarap na maging guro at patuloy na nangarap ng ibang pangarap.

“Paglaki ko, gusto kong maging doktor o kaya ay inhinyero, manedyer kaya, pwede ring dentista o kaya ay sundalo, mas maganda ata kung piloto, pero parang mas okey ata kung abogado, hmp…kahit ano na lang basta yung yayaman ako…”

Subalit pagkalipas ng kulang-kulang sampung taon mula noon, heto ako ngayon, isang guro sa isang pampublikong paaralan sa isang lalawigan. Marahil biro ng tadhana o sadyang nakatadhana, heto ako’t nagtuturo, isang guro.

Mahabang kwento kung bakit ako napadpad sa propesyong ito. Pero kung ibubuod ko ito sa simpleng pananalita, lalabas na salarin ang kahirapan. Isang lumang kwento, parehong banghay, tauhan lang ang naiba.

Nitong nakaraang Disyembre, nagreunion kaming magkakaklase sa sekundarya. Pagkatapos ng maraming taon, masaya naming binalikan ang mga alaala sa sekundarya.  Nakatutuwa at nakatatawa. Kahit pala ang mga nakahihiya, nakagagalit at mga nakalulungkot na alaala’y nagiging masaya na pagkatapos ng ilang taon.

Sa pagitan ng kantahan, inuman at kwentuhan, nalaman kong napakarami na palang nangyari sa amin. Ang dami nang nagbago. Andami ng naiba. (Kunsabagay inaasahan ko na iyon) May tumaba, may pumayat, may gumanda, may hindi nagbago halos ang hitsura. Yung iba may asawa na, may anak, may namatayan ng anak, ng asawa, may nagladlad, may nakulong, may nakapag-abroad. Ang aking mga kaklase, inhinyero na, doktor, nars, manager, businessman, arkitekto, call center agent, beterinaryo – ako isang guro.

Nalulula ako nong ikwento nila ang naabot na nila. Nanliit ako sa nang pagkumparahin namin ang aming mga sweldo. Pero ipinagmamalaki kong ako’y naging guro kahit pa sa loob-loob ko’y nabubuo ang mga mumunting pagdududa, mga mumunting palahaw ng pagkukunwari sa harap ng mga propesyunal kong kaklase.

Nakapapagod din kasing magturo. Nakasasawa minsan. Inaamin ko, may mga panahong halos panghinaan na ako ng loob at gusto ng tumigil sa pagtuturo. Minsan naiisip kong maghanap ng ibang trabaho.

Gusto ko naman sanang maranasang magkaroon ng trabaho na hindi ko na kailangang mapuyat sa gabi sa paghahanda ng banghay-aralin. ‘Yung hindi ko na kailangang gumising ng madaling araw para lang gumawa ng mga kagamitang panturo. Gusto kong magkaroon ng trabaho na hindi ko na kailangang isakripisyo ang Sabado o Linggo kapag ipinatatawag at kailangan sa eskwelahan. Gusto kong maranasan ang magkaroon ng trabaho na nasa loob ako ng air conditioned room at hindi sa loob ng mainit at masikip na klasrum. Gusto kong magkaroon ng trabahong hindi ko na kailangang mamaos o mawalan ng boses. Gusto kong maranasang magkaroon ng trabahong makapagbibigay sa aking ng malaking sahod.

Pero sa tuwing may mga mag-aaral pa akong naririnig na hindi marunong mag-po at opo, hindi marunong magtapon ng pinagkainan sa basurahan, tuwing may mga mag-aaral pang hindi marunong sumulat, bumasa at bumilang, tuwing may mga bata pang nagtitiyagang pumasok kahit walang baon, walang papel at lapis, walang matinong damit, walang tsineles – bumabalik ako sa realidad na kailangan pa ako sa eskwelahan.

Alam kong isa lamang akong patak ng tubig sa malawak na karagatan. Isang pirasong buhangin sa mainit na disyero, isang simpleng guro sa lipunang ito. Pero ang mahalaga’y may ginagawa ako.

Kadalasan, ang mga iskor sa mga pagsusulit, proyektong ipinasa, gawaing ipinakita, partisipasyon sa klase at kung anu-ano pa ang nagiging panukat namin para tukuyin kung sinu-sino ang mga nagunguna o pinakamatalino sa klase. Nagiging basehan namin ang mga grado sa Matematika, Science, English, Filipino at MAKABAYAN na binubo ng EPP, Hekasi, MSEP at GMRC.

Kapag mataas ang grado mo sa mga asignatura, magaling ka. Kapag ikaw ang may pinakamataas na grado, ikaw ang pinakamatalino. Kapag mababa naman o bagsak, hindi ka masyadong nag-aral ng mabuti (eupemismo para sa salitang may kahinaan ang ulo)

Ito ang sukatang ipinanukat sa akin noong ako’y nag-aaral. Ito naman ngayon ang sukatang ipinanunukat ko sa aking mga mag-aaral.

Sa tuwing ibinibigay ko sa aking mga mag-aaral ang kanilang kard at sinasabi ang kanilang ranggo sa klase, hindi ko mapigilang mapaisip. Batid ko kasing hindi sapat ang panukatang ginagamit namin para timbangin ang mga mag-aaral.       Hinding hindi kasi nito nasusukat ang iba pang dimensyon ng kanilang pagkatao at talino.

Tulad ni Sandra, labing-pitong taong gulang na siya ng maging mag-aaral ko sa ikaanim na baitang. Ateng-ate na siya para sa kanyang mga batang kaklase. Nanay-ate naman siya ng kanyang apat na batang kapatid. Tagapag-alaga sa pamilya. Buti nga at naisipan pa niyang mag-aral, buti nga at pinayagan pa siyang mag-aral. Minsan tinanong ko ang buong klase kung anong gusto nilang maging paglaki. Umalingawngaw ang mga katagang nars, doktor, inhinyero, piloto, sundalo, dentista, businessman at iba pa. Nang siya naman ang nagsalita, kimi lang niyang binanggit na gusto niyang maging caregiver.

Sa isang mag-aaral na katulad niya, nakapapagtatakang iyon lang ang pinapangarap niya. Marahil gusto niyang mag-abroad naisip ko, pero nang sabihin niyang gusto niyang maging caregiver hindi para makapangibang bansa kundi para mas maging magaling at mahusay pa siyang tagapangalaga ng kanyang mga kapatid, lalong akong nagulat. Napakasimple naman ng pangarap niya. Napakasimpleng pangarap hindi para sa kanya kundi para sa mga minamahal niya.

Kaya nga noong dumating ang kanyang ikalabinwalong kaarawan, naisipan naming magpadala ng bulaklak sa kanyang mga kaklase. Isinayaw siya’t binigyan ng bulaklak ng mga ito na tulad ng isang babaeng tumutuntong sa ganung kaarawan. Wala nga lang malamyos na musika, walang magagarang dekorasyon o magagarbong handa. Pero may lalamyos pa ba sa halakhak na kumawala sa kanyang mga labi ng isayaw siya na parang prinsesa? May gagara pa ba sa pamumula ng kanyang pisngi ng tuksuhin siya ng mga kaklase at alayan ng bulaklak? May gagarbo pa ba sa pakiramdam na dumapo sa kanyang kaluluwa?

Mabuti pa siya. Simpleng mga bagay lang, kuntento na siya.

Hindi ko pa rin makalimutan hanggang ngayon si Melchor. Naging estudyante ko siya noong practice teacher pa lang ako. Madali mo siyang matatandaan. Medyo may katabaan, duling,  kulang-kulang ang mga daliri sa kamay, panot. Pero maliban dito ay namumuhay siyang normal o mas akma sigurong sabihing pinipilit niyang mamuhay ng normal. Masayahin, palabiro, matalino, magaling kumanta at magsulat. Nalaman ko lang mula sa kanyang isinulat na pinagtangkaan pala siyang ilaglag noon ng kanyang ama’t ina. Epekto ng mga hilot at gamot pampalaglag kung bakit nagkaganoon ang pisikal niyang kaanyuan. Pero gaya ng inilahad niya sa kanyang sanaysay, patuloy siyang lalaban at ipaglalaban ang kanyang karapatan na mamuhay ng normal sa abnormal na mundong ito.

Ngayon, kapag hinahanap ko siya sa facebook o friendster at iba pang networking site, hindi ko matagpuan ang kanyang account. Ewan ko pero baka naduwag kaya siyang magpakilala. Marahil wala siyang magandang larawan para ilagay na profile picture niya?

Hindi ko na siya nakausap mula ng umalis ako sa paaralang pinag-aaralan niya. Hindi ko na nasabi sa kanya na humahanga ako sa kanya. Hindi ko na nasabi sa kanya na alam kong makakaya niyang magtagumpay pagkat ipinanganak siyang survivor.

Gusto kong sabihin sa kanya “Melchor, isa kang survivor, alam mo ba yun, biruin mo sa milyun-milyong semilyang nakakumpetensiya mong lumangoy, ikaw ay hindi nalunod at nakauna pang makipagniig sa itlog. At hindi lang ‘yan, walang nagawa ang anumang orasyon, gamot o hilot para kitlin ang iyong buhay. Maaaring nagawa nitong depormahin ang ilang bahagi ng iyong katawan pero hindi ang iyong pagkatao. Sana ipagpatuloy mong ipakita sa ‘abnormal’ na mundong ito na survivor ka, na mas kumpleto at buo ka.”

Sana nasabi ko ito sa kanya dati. Sana may nakapagsabi na nito sa kanya. Sana mabasa niya ito.

Sabi nila, kung ano ang puno, siya ang bunga. Hindi raw mamumunga ng mansanas ang mangga, hindi mamumunga ng mangga ang mansanas.

Pero sinalungat ito ni Brando. Durugista ang tatay niya at kasalukuyang nakakulong. Ang nanay naman niya’y nagpuputa para lang mabuhay sila. Ang mga kapatid niya’y maagang nagsipag-asawa pero nakatira pa rin sila sa iisang bahay.

Hindi ko akalaing ganito ang buhay na kinalakhan niya dahil napakabuti naman niyang bata, masayahin at may positibong pagtingin sa buhay.

Sabi niya, hindi dapat hinuhusgahan ang tao base sa kanyang pinagmulan dahil higit sa nakaraan  at  kasalukuyan, tayo pa rin ang magpapasya kung anong klaseng tao ang gusto nating maging.  Ayaw na daw niyang manisi, ayaw na niyang sisihin ang tatay, nanay o kapatid niya sa buhay nila ngayon dahil kahit magwala siya’t manisi, magdroga at magrebelde, siya pa rin ang magiging talo sa huli. Ikanga niya,  ang mahalaga ngayo’y pinipili niyang maging mabuting tao kahit pa humahabol ang bangungot ng nakaraan at kasalukuyan sa kanyang buhay.

Tama siya, natamaan naman ako. May mga pagkakataon kasing tinitimbang ko ang aking mga mag-aaral base sa kung paano sila ipinakilala sa akin at hindi sa kung paano ko sila nakilala.

“Naintindihan ko po ang ating aralin. Ang hindi ko  lang po maintindihan ay kung bakit marami pa rin at meron pa ring tayong mga kababayan ang  hindi makaintindi na lahat tayo ay mga Pilipino, magkakapantay anuman ang kulay at hitsura. Sa paningin ng Diyos, walang mataas o mababa sa atin, nilikha Niya tayong kanyang kawangis. Nakalulungkot po talaga ang pangyayaring ito.”

“Totoo pong isa akong ita. Maitim ang balat, kulot ang buhok, sarat ang ilong at pandak. Hindi ko po ito ikinahihiya kahit marami ang natatawa at nanlalait sa akin at sa mga katulad ko. Bakit?  Dahil alam ko at naniniwala na mas dapat mahiya ang mga taong ito, na sila ang dapat pagtawanan dahil hindi sila makaunawa at ang mas masaklap, ayaw nilang umunawa.”

Ito ang mga salitang binitiwan ni Joy, mas kilala sa bansag na “Rita” (tawag sa kanya ng mga kaklase. ‘Rita’ para sa pinaikling ‘Negrita’ mula sa ‘Negrang Ita’.) ng mapag-aralan namin sa klase ang tungkol sa pinagmulan ng lahing Pilipino.

Natahimik ang buong klase ng marinig nila ito sa mula kay Joy. Nagulat naman ako. Hindi ko kasi inaasahang magkakalakas ng loob siyang magsalita ng ganoon samantalang likas naman siyang mahiyain. Siguro napuno na siya, siguro naisip niyang kailangan na niyang magsalita. Nang mga sumunod na araw, wala na akong naririnig na nanunukso kay Joy.

Naiinggit ako kay Joy, mabuti pa siya nasumpungan niya sa sarili ang lakas ng loob na magsalita. Hindi katulad kong napipipi minsan sa mga panahong kailangan kong magsalita.

Paano ba patatahanin ang isang batang umiiyak dahil sa pagkamatay ng kanyang ina? Anong mga salita ang sasabihin mo habang umiiyak siya’t  tanging ang sakit ng pagkawala ng pinakamamahal sa buhay ang naghahari sa kanyang emosyon?

Ika-12 ng Agosto ng mamatay ang nanay ni  Anton. Naaksidente ang mini bus na sinasakyan niya papuntang bundok. Nag-a-outreach kasi sila duon. Nagluluto, nagpapakain, nagtuturo sa mga residente at mga bata duon, nagiging nanay siya sa mga residente at mga batang tinuturuan nila’t pinapakain.

Ngayon, tuluyan ng nawalan ng isang nanay ang mga taong iyon. Ngayon, tuluyan ng nawalan ng nanay si Anton at ang mga kapatid niya. Ramdam na ramdam ko ang sakit ng emosyong bumalot sa aking mag-aaral ng malaman niya ang masamang balita. Hikbi lang ang pagitan ng pag-iyak niya at muling pag-iyak. Iyak ng anak na nawalan ng ina, iyak ng batang inagawan ng ina.

“Alam kong napakasakit ng nararamdaman mo ngayon,  pero ano kaya ang gusto niyang gawin mo ngayong wala na siya?”

Ito ang uang tanong ko sa kanya ng kausapin ko siya.

“Aalagaan po si ading ko (nakababatang kapatid)at magpapakabait”

Sa pagitan ng pag-iyak at pag-agos ng masaganang luha, ito ang tanging nasambit niya. Pinipigilan kong maiyak habang kinakausap ko siya, sinupil ko ang pamamasa ng aking mga mata at pinilit kong lunukin ang kung anong bumabara sa aking labi.

Sinabi ko sa kanyang magpakatatag siya. Na lahat naman tayo ay duon ang destinasyon. Masakit  ang paraan, panahon at pagkakataon ng pagkawala ng nanay nya pero wala tayong pagpipilian kundi ang tanggapin ito at ipagpapatuloy ang buhay. Magiging masaya kako ang nanay nya kung makakaya niyang lagpasan ang pagsubok na ito.

Hindi ko alam kung naintindihan niya ang mga sinabi kong ito. Iyak lang kasi siya nang iyak. Sa pagkakataong iyon, nagpakatatay ako sa kanya at nagpakananay na rin kahit hindi ko alam kung paano ito gagawin.

Isa sa mga pinakatatakutan kong mangyayari sa akin ay ang mawalan ng mga mahal sa buhay. Alam kong realidad na ng buhay ang pagpanaw pero hindi ko alam kung paano ito haharapin kapag dumating na. Hindi ko alam kung paano ito paghahandaan.

Si Anton, hindi ko alam kung paano niya hinarap ang pagkamatay ng kanyang pinakamamahal na ina. Ngayon, pagkaraan ng ilang buwan, unti-unti ng bumabalik ang kanyang mga ngiti, naririnig ko na paminsan-minsan ang kanyang tawa kahit pa nalalaman kong hindi iyon kasinglutong ng dati.

Sana pag dumating ang panahong ayaw kong dumating, pag dumating ang panahong mamamaalam ang mga mahal ko sa buhay, masumpungan ko sana ang lakas ng loob at pagtanggap tulad ng nagawa ni Anton, tulad ng ginagawa niya ngayon. Tulad ng ginawa ko at ginagawa ko ng mamamalam si Angelo, dating mag-aaral ko.

Masayahing bata si Angelo, hindi mo aakalaing may kanser siya sa dugo. Sa mga huling araw ng kanyang buhay, hindi na siya hinayaang mag-chemo ng kanyang mga magulang dahil ayaw na rin ni Angelo. Hindi na niya kaya ang sakit ng mga karayom na tumutusok sa kanyang bubot na katawan lalo na ang epekto nito pagkatapos. Tanging kahilingan nito ang pumasok sa paaralan. Ito raw ang huling kahilingan niya.

Kaya ng pumasok siya, pinilit ng buong klaseng pasayahin siya. Hindi ko alam kung paano ito gagawin, pero sadya ngang nagkakaintindihan ang mga bata. Hinayaan kong ang kanyang mga kamag-aral ang gumawa ng paraan. Naglaro sila, nagkwentuhan, nagkantahan at nagsayawan. Isinantabi ko muna ang ilang mga aralin para kay Angelo, para iparamdam sa kanya, sa huling mga araw ng kanyang buhay ang pagmamahal. Pagmamahal ng pamamalam, pamaalam na pagmamahal.

Ilang araw lang ang lumipas, naratay na sa banig si Angelo. Pero bago pa man siya tuluyang maangkin ng buong-buo ng kanyang sakit, nakapag-iwan pa siya ng sulat para sa akin at sa kanyang mga kaklase. Ibinigay ito ng kanyang ina ng dalawin namin siya sa ospital.Halos wala na siyang malay nuon.

Dear Sir and Classmates,

Thank you po sa lahat. Thank you po sa mga itinuro ninyo. Thank you  po sa pagpapasaya sa akin sa mga huling araw ng buhay ko.

Paano yan, mauuna na ako sa inyo. Pero wag kayong malungkot dahil     babantayan ko kayo. Ibubulong ko kay “Bro” na bantayan kayo. Hwag kayong  iiyak, okey lang ako. Mamimis ko kayong lahat. Muawhh…

Nagmamahal,

ANGELO

 

Paulit-ulit kong binasa ang sulat ni Angelo. Paulit-ulit kong hinanap sa kanyang sulat kung saan siya nakahugot ng lakas ng loob para tanggapin ang nangyari sa kanya. Mabuti pa siya tanggap na niya ang kanyang kapalaran, pero kaming mga nagmamahal sa kanya hindi pa rin ito matanggap. Mabuti pa siya, naisip pa kami at ibubulong daw kay “Bro” samantalang siya na itong pinahihirapan ng sakit.

Dalawang araw pagkatapos nun, pumanaw si Angelo. Tuluyan ng sumuko ang kanyang katawan. Nag-iyakan ang kanyang mga kaklase ng malaman ang balita ng pagkamatay ni Angelo. Hindi ko alam kung paano aaluhin ang mga kaklase ni Angelo – ang aking mga mag-aaral ng mga sandaling iyon. Higit sa lahat, hindi ko alam kung paano patatahanin ang aking sarili.

Sa libing ni Angelo, literal na bumaha ang luha. Halos hindi ako makapagsalita ng bigyan ako ng pagkakataong magsalita sa harap ng mga nagdadalamhating nagmamahal kay Angelo, pero pinilit kong ibuka ang aking bibig para kay Angelo. Kung siya nga nakagawa pa ng sulat kahit pinahihirapan na ng sakit, ako rin dapat kayanin ko para sa kanya.  Binasa ko ang tulang isinulat ko para sa kanya.

 

OYAYI SA PAGKAKAWALAY

Matulog kang mahimbing sa piling ni Bathala

Ipikit iyong mga mata’t huwag ng mangangamba

Mahimlay kang mapayapa sa awit ng mga musa

Ika’y magpahinga’t huwag ng mabahala.

Lumipad kang malaya sa dulo ng bahaghari

At kulayan ng matingkad ang buhay na iwi

Maglaro ka’t maglibang sa iyong bagong palasyo

Mamuhay kang masaya sa iyong bagong paraiso

Ngayong wala ka na’t sa ami’y namaalam

Alaala mo sa ami’y hinding-hindi mapaparam

Ngayong wala ka na’t sa ami’y lumisan

Anghel ka ngayong sa ami’y di na lilisan.

 

Sa ilang taon kong pagtuturo, ang dami ko ng mga mag-aaral na nakasalamuha. Mga batang biglang dumating at dumaan sa aking buhay at sa isang iglap ay nawala. Mga mag-aaral na naturuan at nagturo naman sa akin ng mga aral na hindi ko natutunan sa apat na taon kong pamamalagi sa unibersidad o sa pagbabasa ng mga aklat. Mga aral na mas mahalaga kaysa sa mga teorya at ismo ng akademya.

Marami ng pagkakataon na nagiging mag-aaral ako at sila ay nagiging guro ko. Akala ko noong una, pagtuturo lang ang magiging papel ko sa loob ng aking klasrum. Hindi ko akalaing magiging mag-aaral din pala ako.

Ngayon, kung iraranggo ko ang mga naging mag-aaral ko, siguradong mangunguna sina Sandra, Melchor, Brando, Joy, Anton at Angelo at marami pang ibang mga mag-aaral na nagpakita ng galing at talino hindi lamang sa akademyang larangan kundi sa larangan ng totoong buhay sa labas ng eskwelahan.

Mangunguna sila sa daan-daan mag-aaral na dumaan sa akin. Mangunguna sila pagkat buong tapang nilang naipamalas at naipamamalas ang talino sa makikipagbakbakan sa mga pagsubok sa kanilang bahay at buhay sa loob at labas.

Kapag naiisip ko ang aking mga naging mag-aaral, naiisip kong sana mabigyan ako ng pagkakataong ipunin silang lahat sa loob ng aking klasrum tulad noong mga mag-aaral ko pa lang sila at ako ang kanilang guro.

Gusto kong muling turuan sila at pangaralan tulad ng dati. Tulad noong mga musmos na bata pa lamang sila at nakikinig sa bawat salitang mamutawi sa aking mga labi. Gusto ko silang kumustahin. Tanungin kung ano na ang nangyari sa kanilang mga buhay. Gusto kong  muling marinig ang kanilang mga ingay, kulitan at tawanan. Gusto kong marinig ang kanilang mga kwento.

Pero maalala pa kaya nila ako? Kung maaalala nama’y anong klaseng alaala kaya ang makikintal sa kanilang mga isipan? Maganda o pangit? Mabuti o masama? Masaya o malungkot?

Hindi ko kontrolado ang isip ng aking mga mag-aaral. Hindi ko rin alam kung ano ang iniisip at iisipin nila. Pero sana’y kapag naalala nila ako’y maalala nila ang isang gurong hindi man perpekto’y pinilit maging perpekto para sa kanila. Isang gurong hindi man matalino’y sinikap silang gawing matalino. Isang guro na hindi lang nagturo ng mga aralin  kundi  naghanda sa kanila sa buhay sa labas ng klasrum.

Pero nasaan na kaya sila ngayon? Saan ko sila hahagilapin? Paano ko sila hahanapin?

Sa mga call centers kung saan sila nag-iingles araw at gabi? Sa ibang bansa kung saan nagsisilbi sila sa mga ibang lahi? Sa mga bahay-bahay kung saan sila ibinahay? Sa mga pabrika’t pagawaan kung saan kaulayaw nila ang mga makina? Sa mga bilangguan?  Sa mga lansangan?

Kapag may nababalitaan akong naging mag-aaral ko na nagtatagumpay sa kanyang pag-aaral o napiling propesyon, pakiramdam ko ay nagtagumpay rin ako. Inaari kong tagumpay ang kanilang tagumpay. Para akong magulang nila na nagbubunyi at nagmamalaki sa tagumpay na kanilang nakakamit. Nag-oorgasmo ang utak ko pati ang aking  puso.

Sa kabilang banda, lungkot, at kahihiyan naman ang aking nararamdaman kapag naliligaw ng landas  ang mga mag-aaral ko. Tinatanong ko ang aking sarili kung saan ba ako nagkamali. Mali kaya ang mga naituro ko? Mali kaya ang mga sinabi ko sa kanila? Hindi kaya ako naging mabuting guro sa kanila?

Naisip ko nga minsan, sana’y mabigyan ng superpowers ang lahat ng mga guro. Ang ganda siguro ‘nun. Isang kumpas lang ng daliri’y tatahimik na lahat at makikinig, isang paliwanag sa mga aralin ay maiintindihan na lahat, isang imbay lang ng balikat ay maisasapuso na lahat ng mga mag-aaral ang lahat ng pinag-aralan.

Sana may superpowers din kaming ayusin ang mga sira sa mga buhay ng aming mga mag-aaral.   Sana may superpowers na ganun, pag nagkataoon, magiging maayos ang lahat. ‘Pag itoy nagkatotoo, hindi na natin kakailanganin pang mangarap na iligtas tayo ni superman, spiderman, darna, captain barbell at kung sinu-sino pang mga superherong pawang mga kathang isip lang.

Kapag dumarating ang buwan ng Marso, hindi ko maiwasang mapaisip at maging emosyunal. Pakiramdam ko kasi’y maiiwan na naman akong mag-isa. Mababakante ang aking klasrum at mawawalan ng ingay, ng saya, ng buhay.

Bakit ganun? Kung kailan kabisado ko na ang mga orasyon at salamangka ng aking mga mag-aaral, saka naman sila aalis. Kung kailan alam ko na kung anong klaseng oyayi at oda ang iaalay sa kanila, saka naman sila magpapaalam.

Kapag lumalabas na ang mga mag-aaral sa aking klasrum, hindi ko mapigilang mapaisip kung may kabuluhan ba ang pagpasok nila sa aking klasrum. Higit sa mga aralin sa aklat, gusto kong maituro sa kanila ang mga aralin sa totoong buhay. Sa tingin ko, higit na mahalaga ang mga iyon kaysa sa mga nakakahong aralin. Sapat nga kaya ang mga naituro ko sa kanila upang mapakinabangan nila sa pakikitalad sa mabatong landas ng buhay? Sana …

Isang siklo nga raw ang buhay eskwelahan naming mga guro. Isang siklo ng pagdating at pag-alis, ng pagpasok at paglabas, ng pagtanggap at pamamaalam. Subalit, bakit ganun, ilang taon ko ng nararanasan ang siklong ito’y hindi pa rin ako masanay-sanay.

Hanggang ngayon, hindi ko pa rin mabigyan ng tama at akmang depinisyon ang salitang guro, ang aking pagiging guro. Marahil dahil hindi naman kasi dapat ito binibigyang depinisyon. Mas akma atang bigyang halimbawa na lamang ito. Halimbawang hindi huwad, hindi tumitingin sa sarili, hindi humihingi ng kapalit kundi nagbibigay at hindi nanghuhusga.

Kung gayon,  sa pagbibigay ng halimbawa nabibigyan na rin ng depinisyon ang aking pagiging guro. Samakatwid, aabutin ako ng habambuhay para bigyang depinisyon ang aking pagiging isang guro.

 

*Sadyang pinalitan ang mga pangalang nakalahad dito.

 

 

 

(Paumanhin sa delayed posting nito)

Paalis na si Bagyong Basyang. Ibinababa na ang mga storm signal (yehey). Pero suspendido pa rin ang klase sa mga lalawigan ng Bataan at Zambales (yehey uli). Makapagpapahinga na naman ako (re: kwentong chalk # 2).

Pero parang may mali ata. Ang ganda na ng panahon. Susisilip-silip na si pareng araw (parang namboboso). Bagama’t may kaunting ambon at pagdidilim paminsan-minsan (marahil binabalisawsaw si pareng araw), pangkalahatan, oks na oks ang araw para sana magklase, pero anong magagawa ko, suspendido pa rin ang klase ayon sa DepEd, sa rekomendasyon na rin ng PAGASA.

Siyempre, marami na namang mga hindi nakikinig ng balita (hindi nakaintindi, tigas talaga ng ulo). Marami ng pumasok (ganda na ng panaohn e). Siguro, inisip nilang may pasok na kahit inanawns na suspendido pa rin ang klase. (uncommon sense)

Pagkatapos mag-flag ceremony, inanawns ng prinsipal na yung may mga sundo, pwede ng umuwi lalo na ang mga nasa primary level. Aba, lugi ata ako, hawak ko grade six, hindi naman na inihahatid sundo ang mga ito.

Isip, isip kung paano gagawin (Ting!!! Bumbilya effect sa ulo). Aha, I’ve got an idea.

“Madami bang mga kalat ang dala ng bagyong Basyang sa bahay nyo?”

“Madami po”

“Tumulong ba kayo sa paglilinis?”

“Opo” (automatic response yan kahit hindi)

“Kung ganon, ano ang mga ginawa nyo?”

(etsetera – ang daming sagot, malapit na akong panghinaan ng loob ng biglang…)

“Hindi po masyadong nakatulong kasi pumasok na” (saktong sagot – background music ‘Halo ni Beyonce’ – “Baby I can see your halo, you’re my saving grace, emphasis dun sa ‘you’re my saving grace’)

Ito ang hinihintay kong cue, agad akong sumegwey…

“Kung gayon, para makatulong kayo sa bahay, textsan nyo ang mga magulang nyo o kahit sino para sunduin kayo ng makauwi na kayo”

(Teks…teks…teks…)

AFTER 3 MINUTES: Mga halos 3 rin lang ang nakauwi. Lugi ako, yung mga ibang grades wala ng mga bata, yung iba konti nalang.

Isip uli ng diskarte.

“Sige, umuwi na kayo at ng makatulong kayo sa mga magulang niyo”

Bahala na pag sinita ako ng aming prinsipal.

Pag tinanong nya ako, eto ang sasabihin ko:

“Mam, hindi naman na po sinusundo ang mga grade six, ang tatanda na nila, kaya na nila ang mga sarili nila,” tapos idudugtong ko, “Pinauwi ko na sila para makatulong sila sa paglilinis sa mga magulang nila,” at kung humirit pa “Kasi naman suspendido ang klase talaga ngayon, e sumusunod lang naman ako sa utos, masunurin ata ako,” at kung talagang aangal pa siya, “Madam, kahit po magdadakdak kayo at magalit, wala na kayong magagwa dahil nakauwi na ang mga bata, kung gusto nyo sunduin nyo uli sila.”

Pero, hindi ko na iyon nasabi, kasi nang makita niyang wala na ang mga estudyante ko, marahil naintindihan na niya ang ginawa ko (wala na siyang magagawa at alam niyang sumasagot ako)

ON SECOND THOUGHT: Talagang nakapanghihinayahng din talaga ang mga araw gaya kanina. Ang daming nasayang.

Sayang ang kikitain ng kantin. Sayang din ang kikitain sana ng mga nagtitinda ng ice cream, mangga, ice krambol (crumble), ice kendi, sisiw na kinulayan ng iba-ibang kulay (kaya nga kinulayan), at kung anu-ano pa sa labas ng school.

Sayang ang kikitain ng mga tricycle drivers na naghahatid sundo.

Sayang ang naisuot ng damit na plinantsa pa naman (hindi apektado dito ang mga mahilig magreuse o magrecycle ng damit.)

Para sa mga magulang, sayang ang naibigay ng baon sa mga anak sa araw na ito (tiyak hindi na nila mababawi ito sa mga bata). Sayang din ang pagkakataon para sa mga magulang kung saan sila lang ang maiiwan sa bahay at wala ang mga bata (teka, iba na ata ito). Basta maraming nasasayang.

Pero siyempre pa, sayang ang dapat sana’y matutunan ng mga bata (seryoso ‘to, promise, hindi mabigat sa loob ko ito,ehem)

KONKLUSYON: Nagalit si P.Noy sa PAGASA dahil sa delayed forecasting nito at dahil din sa hindi nito napredict na tatamaan din ang Metro Manila ni Bagyong Basyang. (lumabas kasi siya ng Malakanyang kinagabihan matapos makipag-party sa press para manigarilyo nang sa lakas ng hangin, namatay ang sindi ng kanyang sigarilyo at nalagas ang ilan niyang buhok)

Ang solusyon, bigyang at bilhan ng mga makabagong gamit ang PAGASA. Yun bang mga modernong gamit na kayang harangin ang mga bagyo (meron na bang ganun?). Mga gamit na kayang i-predict ang mga lugar na tatamaan ng bagyo isang buwan bago ito dumating (meron na bang ganun uli).

Basta, mga modernong gamit kung saan makatutulong ito sa pagforecast sa weather nating paiba-iba.

Dun sa delayed weather bulletin, madali lang solusyunan, imbes na every 6 hours, gawing every hour o every minute. Kaya lang mukhang makakaistorbo naman ito sa mga nanood ng teleserye kung maya’t maya’y pumapasok ang mga breaking news sa kasarapan ng panonood dito. (imagine, nanonood ka ng Noah o Pilyang Kerubin o kaya ay Agua Bendita o Endless Love, biglang “Bagyong Basyang, nasa Philippine Area of Philippine na,” pagkatapos ng ilang minuto, “Bagyong Basyang, nagpalit ng pangalan, Bagyong Krising na ngayon,” pagkatapos uli ng ilang minuto, “Bagyong Krising nakipaghiwalay na sa asawang basketbolista,” at pagkatapos uli,  “Bagyong Krising, ibinilin sa mga abugadong ayusin ang hiwalayan nila ng asawa”)

Nakakaloko naman kapag ganun, pero kung iisipin. “Prevention is better than cure no matter what is the cost/cause” ( paki-explain mo na lang yan at paki-connect na rin).

Panahon na naman ng mga bagyo. Sabi ng PAGASA, inaasahang, mga 20 bagyo ang tatama sa bansa ngayong taon. (gaya ng dati, gaya ng inaasahan) Siyempre pa, kapag bumabagyo, kadalasan walang pasok.

Nitong miyerkules, nanalasa si Bagyong Basyang. Tuwang-tuwa ang mga bata. Hindi nila alam, kung gaano sila natutuwa, triple-triple pa nun ang sa aming mga guro nila. (Paglilinaw: natutuwa na walang pasok, hindi natutuwa dahil bumabagyo)

Aba’y makapagpapahinga na naman kami kahit paano. Maipapahinga ang aming mga ginintuang boses na susi sa kaalamang maghahatid sa sinuman sa dambana ng di malirip na tagumpay. (Naks!, paki-explain) Makapagpapahinga rin kami sa pagsaway sa mga batang kampon ng tikbalang (Paglilinaw: exageration yan, baka kasi may sumugod na magulang dahil sinabihang tikbalang ang anak.)At ang pinakagustung-gusto ko sa  lahat, hindi ko na kailangang sumulat ng lesson plan para bukas, ilalagay ko na lang na “Classes suspended due to typhoon Basyang, refer to lesson plan dated July 13, 2010” Ayos na, solve na ang araw ko. (inaamin ko, ang paggawa ng Lason Plan aka Lesson Plan ang pinakaayaw ko sa lahat, papaksain ko yan sa mga susunod na kwentong chalk – balik tayo sa bagyo)

Pero ewan ko ba, sadya nga atang me katangahan din ang mga magulang minsan (Pasensya: hindi ako makahanap ng magandang eupemismo sa salitang katangahan). Napanuod na nga lang sa balita na may bagyo at suspendido ang klase, puputaktihin pa rin ako ng mga text at tawag na nagtatanong kung may pasok o wala kasi daw ay napanood nila sa balitang wala nga.

Anak ng tuyong nababad sa kanal naman oo (walang pakialaman ng mura). Mahirap bang intindihin ang “Suspendido ang klase”?

Bad trip ako sa mga ganitong magulang. Hindi man sinasadya, (sinsadya ko minsan) ibinabalik ko sa kanila ang aking pagkainis.

EKSENA: Kasarapan ng tulog habang nakakumot, bandang 5:30 – 6:00 ng umaga tutunog ang cellphone, madami ng pumasok na text at missed calls na nagtatanong. Rereplayan ko ang mga nagtext at sasagutin ang mga tumatawag.

Nanuod po ba kayo ng telebisyon o nakinig ng balita sa radyo? (sasagot ng oo) Ngayon anong sinasabi duon? (sasagot, wala pong pasok) So, bakit pa po kayo nagtatanong? (sasagot, kasi po baka may pasok) Sa susunod, wag na kayong mag-aksaya ng load sa pagtext at pagtawag dahil alam naman na ninyong walang pasok (sasagot, pasensiya na po). (gusto ko sanang idugtong – pasaload mo na lang sa kin ang pantetext mo at pantawag sana sa akin)

Kapag tinotopak ako at may nagtetext kung may pasok o wala, eto ang ginagawa ko.

SMS ringtone (tunog ng tubig sa gripo – hindi tunog ng lasing na umiihi gaya ng sabi ng iba)” Gud AM Sir, Me pasok po ba?” REPLY naman ako “Meron”, Nagtxtbak “Bakit po sabi sa TV, wala? REPLY “Meron kaming pasok na mga guro, kala ko ako ang tinatanong mo?” Txtbak “Sa bata po?” REPLY “Meron kapag pinapasok nyo anak nyo, wala kapag hindi nyo papasukin” Txtbk “Papasukin ko po ba? REPLY “Kayo po bahala? TXTBK “Hindi na lang po, okey lang po ba? REPLY “K”. TXTBK “Gud am po ulit.”

Minsan naman (kadalasan) ‘pag malakas ang trip ko, rereplayan ko ang mga nagtext at tetextan naman ang mga tumatawag ng pamatay na “HU U?”. Textbak agad, “Ito po ba number  ni sir? Replayan ko naman agad, “Sorry, Wrong send ka”. Tapos ang usapan.

Pero minsan lang naman nagyayari ang mga ganoong conversation naming ng mga magulang o guardians na nagtextext o tumatawag. Madalas kasi wala akong load (okey, aaminin ko na dahilan ko lang yung madalas wala ako load, ang totoo’y timatamad akong magreply, maliban na lang sa mga tumatawag kasi’y sumasagot naman ako kahit pano, tip sa mga magulang – kung may tanong, tumawag.)

Pangalawang Bagyo pa lamang si Basyang, may humigit kumulang pang 19 na bagyo ang aasahan natin. Ilang araw pa ng klase ang masasagasaan.(sana lang hindi mataon na Sabado o Linggo ang bagyo).

KONKLUSYON: Sabi nga nila, ang pinakamasama mang tao’y may natatago pa ring kabutihan kahit papano. Ang pinakapangit man ay may natatago pa ring kagandahan. Ang tingin nati’y walang silbi’y may silbi pa rin. (What’s the point? Anong kuneksyon nito?)

Eto po (ehem) hindi man mabuti, masama, pangit at kinaiinisan natin ang bagyo’y may nadadala pa ring magandang pangyayari tulad ng mga araw na walang pasok (sa wakas naiconnect ko din).

(Paglilinaw: Ayaw ko po sa bagyo, pero hindi naman siguro masama na matuwa kapag walang pasok dahilan sa bagyo)