kapit-bisig

(Sinulat ko noong ako’y nag-aaral pa lang sa kolehiyo. Alay at sa alaala ng aking mga naging kabordmeyts na naging bahagi na ng aking buhay)

Ganito kami. Mga baliw kung tawagin ang sarili. Mga kaluluwang sa pagkabaliw ng isa’y pagkabaliw ng lahat. Mga kaluluwang saglit na nakalilimot sa katinuang taglay. Mga kaluluwang naghahanap ng kasiyahan pagkatapos ng nakapapagod na pakikipagsapalaran at pakikitalad sa karagatan ng unibersidad.

Ganito kami. Mga kaluluwang nakatira sa apat na sulok ng aming pangalawang tahanan. Mga lalaki at babae na nagpapakialaman at napakikialaman. Mga nilalang na magkakaiba subalit napag-iisa ng aming pangalawang tahanan.

Ganito kami. Sa pagkanta ng isa’y susundan ng isa, ng dalawa, at ng isa pa, hanggang sa ang mga boses nami’y umalingawngaw at pumuno sa aming munting daigdig. Humihimig ng musikang tanging kami lamang ang nakatatalos ng kagandahan at kahulugan nitong taglay.

Ganito kami. Mga kaluluwang sa bawat pagsayaw ng isa’y pagsayaw ng lahat. Bawat indak ng paa, bawat imbay ng balikat, bawat giling ng baywang, bawat di maintindihang hakbang ay sayaw ng tagumpay. Tagumpay sa paglimot sa mga suliraning bumabagabag. (suliranin sa pamilya, personal na buhay, eskwela atbp…)

Ganito kami. Mga kaluluwang nagrereklamo sa baradong palikuran, sirang plantsa, sirang ilaw, magugulong bordmeyts. Mga kaluluwang kadalasa’y walang pambayad sa buwanang upa. Mga kaluluwang bukambibig ang kagustuhang lumipat subalit di makalipat-lipat…

Ganito kami. Mga kaluluwang nalulungkot, natutuwa. Mga kaluluwang naiinggit, nagtatanong, naghahanap at nangangarap.

Ganito kami, subalit magiging ganito pa rin kaya kami pagdating ng bukas? Mag-aawitan pa kaya kami? Magsasayawan? Magtatampuhan? Magbabatihan? Magmamahalan?

Ganito kami ngayon. Mga kaluluwang sabay-sabay na nangarap, nagmahal, napoot, natuwa, umiyak.

Ganito kami, subalit magiging ganito pa rin ba kami bukas?