Category: MAIKLING KWENTONG PAMBATA


Sinulat ni Benedick N. Damaso

(Ang kwentong ito ay hango sa tunay na katauhan ni Joy Piso. Bagamat  hindi na natin nakikita si Joy Piso, marami pa ring tulad niya ang ating nakasasalamuha sa araw-araw. Ikaw? May nagawa ka na ba para matulungan ang mga katulad niya?)

 

Payat, maiksi ang buhok, may mga butlig butlig sa braso at paa, pagala-gala, kinaaawaan ngunit kadalasa’y pinandidirihan, nanlilimos, humihingi ng piso.

Siya si Joy Piso kung tagurian ng mga tao. Akala ko noong una, piso talaga ang apelyido nya, yun pala, halaw lang pala ito sa madalas mamutawi sa kanyang bibig tuwing ilalatag niya ang kanyang mga kamay.

“Piso mo nga!”

Ito ang bukambibig niya sa kahit sinong makasalubong. Noong una, hindi ko masyadong pinagtutuunan ng pansin at isip si Joy Piso. Katwiran ko, sino ba siya para pag-aksayahan ko ng aking panahon. Hindi naman ako taga-DSWD, lalong hindi kami mayaman na kayang magtatag ng foundation.

Pero isang pangyayari ang nagbunsod sa akin na magkainteres sa kanya. Palabas ako noon ng paaralan ng makita ko si Joy Piso. Bigla na lang  niya akong hiningan ng piso. Ewan ko ba pero bigla ko na ang dinukot ang natitirang piso sa aking bulsa at ibinigay sa kanya. Tuwang tuwa siya, bakas ko sa kanyang mukha ang kasiyahan sa pisong ibinigay ko.May mabibili na naman siya ng kanyang makakain, naisip ko. Pero bigla akong natigilan ng mahulog niya ang pisong ibinigay ko sa kanya, tumilapon ito at gumulong sa kalye na naging dahilan upang habulin niya ito sa gitna ng mga rumaragasang sasakyan. Muntik na siyang masagasaan kundi lang nakapagpreno ang mamang driver.

Tigagal ako sa aking nasaksihan. Hindi ko lubos maiisip na ganun pala kahalaga sa kanya ang pisong iyon, na kahit pati buhay nya ay handa nyang isugal.

Nagsimulang umusbong ang aking interes sa kanya. Tinatanong ko ang aking sarili kung bakit sya nagkaganun, ano ang mga pangyayari sa kabila ng kanyang buhay pagala-gala? May pamilya pa ba siya? May pangarap pa ba sya? Masaya kaya sya? Nalulungkot din ba siya?

Sabi ng matandang kapitbahay namin, matalino raw si Joy Piso subalit dahil dito ay nabaliw siya. Hindi ko naman lubos na mapaniwalaan ang mga sinabing ito ni Lola Elang kasi pakiwari ko ay hindi naman talaga baliw si Joy. Sabi ng iba, inampon raw siya ng isang mayamang mag-asawa noong siya ay bata pa. Mayaman daw ang mga ito, naranasan daw ni Joy ang magbuhay mayaman, nung umalis papuntang Amerika ang mga nag-ampon sa kanya, may binilinan daw na tagapagalaga kay Joy, maganda pa rin naman daw ang buhay niya noon, pero mula ng mamatay ang nag-aalaga sa kanya, naging palaboy-laboy na siya, wala na ang mga dating kaibigan niya noong siya  ay may  pera  pa.

Ngayon, mag-isa na lang siyang bumubuhay sa kanyang sarili, kung saan saan natutulog, kung kani-kanino humihingi ng piso at pagkain para lang mabuhay. Hanggang sa makahanap siya ng tirahan sa isang matandang nag-iisa, pinatuloy sya sa kanyang bahay at dito na sya tumitira.

Marami pang kwento ang naririnig ko tungkol sa kanya. Sabi ng iba,  may anak daw sya. Nabuntis daw sya ng isang drug addict na sinamaham niya. Isinilang nya ang bata pero pagkatapos non ay kinuha ito sa kanya at bumalik sya rito sa Castillejos.

Hindi ko alam kung totoo ang mg kwento-kwentong ito tungkol sa kanya, kaya nga naging isang hamon sa akin ang alamin mismo  kay Joy kung tooto nga ba ito.

Dumating ang aking pagkakataon, minsan nakasabay ko sa paglalakad si Joy. Gaya ng dati, hinihingan na naman ako ng piso. Sabi ko sa kanya, hindi lang piso ang ibibigay ko sa kanya kung sasagutin nya ang mga tanong ko. Pumayag naman sya.

Pinaulanan ko sya ng aking mga tanong. Tinanong ko kung totoo ang mga nababalitaan ko.

Ano ang pangalan mo? Ilang taon ka na? Totoo bang mayaman ka dati? Paano ka naghirap? Anong pakiramdam ng isang katulad mo?  Nalulungkot ka rin ba? Masaya ka ba kung minsan? Tooo bang nagbuntis ka raw at nagkaanak?

Madami akong tinanong sa kanya pero iling lang ang naisagot nya sa akin. Naramdaman ko na lang na parang may bumara sa lalamunan ng dating madaldal na si Joy. Hindi ko matukoy pero alam ko at ramdam kong may nasaling ako sa kanyang damdamin. Iniba ko ang aking tanong.

May pangarap ka pa ba? Matagal bago niya ako sinagot.

“Dapat pa bang mangarap ang isang katulad ko?”

Balik tanong niyang sagot sa akin sabay lakad palayo. Mabilis siyang lumayo sa akin sabay sabing sinungaling daw ako dahil ang dami ko raw tanong hindi ko naman daw sya bibigyan ng piso.

Nakalayo na siya pero sisusundan ko pa rin sya ng tingin. Dinukot ko ang limang piso sa aking bulsa. Talagang ibibigay ko naman sa kanya ito pero nakalayo na siya. Gusto ko sanang habulin siya para ibigay ang limampisong hawak ko pero napakalayo na niya.

Kaninang umaga, naririnig ko si nanay. Nagrereklamo siya sa taas ng mga bilihin. Kagagaling niya sa palengke, nabanggit niya si Joy Piso, sabi ni inay, hindi na raw nanghihingi ng piso si Joy dahil ang hinihingi na niya ay limampiso na.

Muli kong naalala ang pag-uusap namin ni Joy, naisip ko, hindi lang pala kami ang apektado ng krisis, ng pagtaas ng bilihin, ng kahirapan. Pati pala si Joy ramdam rin ang kahirapan.

Joy Piso dati, ngayon ay Joy Limang Piso na. Joy, ibig sabihin ay ligaya. Pero mukhang malayo sa katotohanan ang pangalan ni Joy sa nararanasan niya.

Muli kong hinawakan ang limang pisong nasa bulsa ko pa rin. Bukas, kapag nakita ko siya, ibibigay ko ang limang pisong ito sa kanya nang maramdaman naman niyang maging maligaya kahit sandali lang kapag ibinigay ko ang aking limang pisong pinakaaasam-asam niya.

Si Bolang Negro

Unti – unti nang nawawala ang kanyang mga kasama. Noong isang araw ay binili na sa Bolang Puti. Kahapon naman ay si Bolang Berde. Tapos, kaninang umaga nama’y sina Bolang Asul at Bolang Pula. Ngayon, tanging siya na lamang ang natitirang bola sa tindahang iyon ni Mang Teban.

“Buti pa kayo makapaglalaro na,” ang naiinggit na sabi ni Bolang Negro kina Bolang Asul at Bolang Pula matapos marinig ang usapan nina Mang Teban at ang mamang bibili sa dalawa.

“Ikaw naman Bolang Negro,” ang sabay na sabi nina Bolang Asul at Bolang Pula matapos magsalita si Bolang Negro. “Alam naming darating din ang araw na makapaglalaro ka,” dagdag pa ng dalawa.

Hanggang sa tuluyan ng kunin ang mga natitira niyang kasamahan. Lungkot na lungkot si Bolang Negro. Nag-iisa na lamang siya. At ngayon, malapit na namang magsara si Mang Teban ay wala pa ring bumibili sa kanya.

“Kung bakit kasi ang pangit-pangit ng kulay ko, ang itim-itim ko. Kaya tuloy walang bumibili sa akin,” paghihinakit ni Bolang Negro. “Hindi na talaga ako makapaglalaro kailanman,” ang sabi ni Bolang Negro sa kanyang sarili matapos makita si Mang Teban na naghahanda na para umalis.

Mayamaya pa, nang paalis na si Mang Teban, isang mama ang biglang dumating. Naghahanap ito ng bagay na maipanreregalo sa kanyang inaanak na may kaarawan kinabukasan. At nang makita ang bolang itim ay nasisiyahang kinuha ito. Walang pagsidlan ang kaligayahan ni Bolang Negro nang tuluyan siyang bayaran kay Mang Teban.

Habang nasa daan ay hindi pa rin makapaniwala si Bolang Negro. “Sa wakas makapaglalaro na rin ako,” ang sabi niya sa kanyang sarili.

Subalit biglang nawala ang kanyang kagalakan nang maalala ang kanyang hitsura. Nag-alinlangan siya kung magugustuhan kaya siya ng kanyang magiging kalaro. Magugustuhan kaya ang isang negrong katulad ko? Ito ang katanungang naglalaro sa kanyang isip.

Hanggang sa sapitin nila ang bahay ng mamang bumili sa kanya. Agad siyang inilabas at agad ding binalot.

Kinabukasan, habang dala-dala siya ng mama, naririnig ni Bolang Negro ang masasayang tawanan ng mga bata. At bagama’t nag-aalinlangan siya kung magugustuhan kaya siya ay naroon pa rin sa kanya ang kasabikang makalabas na at makaglaro.

“Yeheyyyy!!!,” ang natutuwang sigaw ni Junjun matapos mabuksan at makita ang bolang regalo sa kanya ng kanyang ninong. Dali-dali niya itong ipinakita at ipinagmalaki sa kanyang mga kalaro. Marami pa siyang natanggap na regalo subalit pinakagusto niya sa lahat ang bolang itim na regalo sa kanya ng kangayng ninong.

“Regalo sa akin ni ninong,” pagmamalaki niya habang idini-dribol ang itim na bola. Kung gaano kaligaya si Junjun sa pagkakataong iyon ay mas higit naman ang nararamdaman ni Bolang Negro.

Mula noon ay masaya silang naglalaro ni Junjun. Kung minsan ay sila lamang dalawa, kung minsan nama’y kasama nila ang mga kaibigang bata ni Junjun. Nawala na rin sa isip ni Bolang Negro ang panliliit dahilan sa kanyang hitsura. Marami silang masasaya at magagandang karanasan ni Junjun.

Subalit isang araw, gayon na lamang ang pagkainis ni Bolang Negro nang maglaro sila kasama ang bagong kaibigan ni Junjun na si Moymoy. Si Moymoy ay anak ng bagong lipat na kapitbahay nina Junjun at ito ay pilay. Hindi ito nakapaglalakad kung walang saklay.

Ayaw na ayaw ni Bolang Negro na kalaro si Moymoy dahil sa kapansanan nito. Ayaw rin niyang hinahawakan siya ni Moymoy. Subalit kung gaano niya kaayaw na kalaro si Moymoy ay ganon naman ito kagusto ni Junjun. Tuwang-tuwa pa nga ang dalawa kung naglalaro sila, bagay na kinaiinisan naman ni Bolang Negro.

Mula nang dumating si Moymoy ay nawala na ang sigla ni Bolang Negro na maglaro. Hindi siya masaya kapag kasama nila si Moymoy.

“Yan kasing pilay na yan e,” ang naiinis na sabi ni Bolang Negro sa kanyang sarili. “Tingnan ko lang kung ano ang gagawin ninyo kung wala ako. Tingnan ko lang kung magiging masaya pa kayo,” ang naiinis na sabi niya sa kanyang sarili.

Pagkaraan ng ilang sandali’y may biglang dumampot sa kanya. Ang kuya pala ni Junjun. Idrinibol-dribol siya at nang magsawa ito’y ibinato sa isang sulok ng bahay at agad na pumasok sa kanyang kwarto. Hindi na nito nakita ang paggulong pababa ni Bolang Negro.

Gumulong-gulong si Bolang Negro. Mula sa bahay nina Junjun, sa kalsada hanggang sa humantong siya sa isang putikan.

Ang buong katawan ni Bolang Negro ay nabalutan ng putik. Gusto niyang umalis sa lugar na iyon subalit wala siyang kakayahan upang gawin iyon. Nanlalagkit siya. May kung anu-anong insekto pa ang gumagapang- gapang sa kanyang katawan. Mayamaya’y pa ay may nagtapon ng basura sa kinaroroonan niya na lalung nagpalubog sa kanya.

Ngayon ay malayo na nga siya kay Junjun at lalung-lalo na sa kinaiinisan niyang si Moymoy. Subalit lubos ang kanyang pagsisisi. Ngayon lamang niya naisip kung gaano kalaki ang kanyang pagkakamali. Naalala niya ang pagtanggap at pagmamahal na iniukol sa kanya ni Junjun. Ang pagtanggap nito sa kanya sa kabila ng kanyang hitsura. Tapos, ang hindi niya pagtanggap kay Moymoy? Sino siya upang hindi tanggapin si Moymoy na maging kaibigan kung siya mismo ay tinanggap ni Junjun ng buong-puso, bilang siya?

Nagsisisi siya subalit alam niyang huli na ang lahat. Ilang araw na siya roon at alam niyang doon na siya magpakailanman.

“Nakita niyo po ba ang aking bola, itim po ang kulay nito. Parang awa niyo na, sabihin niyo naman kung  nakita niyo ito.”

Nabigla si Bolang Negro. Kilalang kilala niya ang may-ari ng boses na iyon.

“Kay Junjun ang boses na iyon at hinahanap ako,” ang natutuwang sabi ni Bolang Negro sa kanyang sarili.

Gustong isigaw ni Bolang Negro na naroon lamang siya sa malapit ngunit wala siyang boses. Mayamaya pa’y may naramdaman siyang humahalungkat sa kinaroroonan niya. Humihingal ito at marungis ang hitsura. Nang makita niya siya nito ay biglang naglulundag ito sa tuwa.

“Yeheyyyy!!!, nahanapan ko rin ang aking bola.”

Iniuwi ni Junjun si Bolang Negro sa kanila. Hinugasan at nilinis kaagad ito hanggang sa bumalik ang dati nitong anyo.

Hindi alam ni Bolang Negro kung paanong nahanapan siya ni Junjun, subalit alam niyang iyon ay dahil sa pagmamahal na iniukol nito sa kanya sa kabila ng lahat.

Kinabukasan ay masayang naglaro sina Junjun, Moymoy at Bolang Negro. Subalit sa kanilang tatlo, higit ang kasiyahang nararamdaman ni Bolang Negro.


“Ang unang pangkat ng mga taong dumating sa ating bansa ay ang mga ita, sila ay ating mga ninuno”

Mataman kong pinapakinggan ang mga salitang ito na lumalabas sa bibig ng aking guro habang ipinapaliwanag niya ang pinagmulan ng lahing dakila, ng lahing marangal, ng lahing Pilipino.

“Sila ay maitim, pandak, sarat ang ilong at kulot ang buhok,”

Tinignan  ko ang aking kulay, kinapa ko ang aking ilong, hinawakan ko ang aking buhok. Ako ba ang tinutukoy ng aking guro? Napayuko ako kasabay ng pagbaling ng tingin sa akin ng aking mga kaklase. At kahit hindi ko sila nakikita ay para ko na ring nakikita ang kanilang mga nakangising labi, yung iba nga nakaismid habang pinipigil ang kanilang tawa. Pakiramdam ko`y para akong nauupos na kandila.

Oo, isa akong ita. Kabilang ako sa grupong ito,subalit kahit gaano ko man pilitin ang aking  sariling mag-isip ay hindi ko mahanapan ng matinong kasagutan kung bakit kung ituring ang mga katulad ko ay hindi kabilang sa lahing Pilipino, at kung minsan nama‘y hindi kami itinuturing na tao.

Minsan sa isang linggo kami dati bumababa sa patag kung araw ng palengke para magtinda. Isinasama ako ni inang sa pagtitinda ng mga gulay, prutas at uling na pinaghihirapan nila ni amang.

Tuwang-tuwa ako dati sapagkat makikita ko ang patag, ang sentro ng tinatawag nilang kabihasnan.

Subalit hindi ko maintindihan kung bakit iba kung iba ang turing sa amin ng mga tao sa patag. Para kaming mga iba sa kanila. Hinding-hindi ko makalimutan minsang bulyawan si inang ng isang bumibili ng paninda namin dahil ayaw ibigay ni inang sa presyong gusto niya ang gulay na tinda, paano ba naman e luging-lugi na kami. Sobrang barat kung tumawad. Ang ganda pa mandin ng ale, pusturang-postura at halatang kagagaling ng simbahan, may belo pa kasi at rosaryong nakasabit sa kanyang leeg. Napakunot noo ako.

Maraming tanong ang naglalaro sa isipan ko, maraming bakit ang gusto kong masagot, kaya nga natuwa ako ng sabihin ni amang na doon na kami sa patag titira. Doon na rin daw ako mag-aaral.

“Naku, huwag ka ng umalis dito, malupit ang mga tao sa patag, lalaitin ka lang nila, pandidirihan”.

Ito ang mga salita ni Itong, kalaro ko nang sabihin ko sa kanyang bababa na kami. Pero hindi ako natinag.

Dalawang linggo na kami sa patag at isang linggo pa lang ako sa paaralan ng mapatunayan kong totoo ang mga sinabi ni Itong.

Hindi lang isang beses kong naranasang laitin, apihin at pandirihan, hindi dahil sa may ginawa akong masama kundi, dahil sa isa akong ita.

Gusto ko ng umuwi sa amin, doon sa bundok, doon sa aking tunay na tahanan sa bundok, doon kung saan walang nanlalait at nang-aaway sa akin. Naalala ko tuloy sina Itong, Nonong, Bokbok, Lotlot at Neneng. Siguro, sa oras na ito ay masaya silang naglalaro, nagtatakbuhan at nagtatawanan.

Pero naisip kong hindi dapat ako sumuko. Lalaban ako, hindi ko dapat isuko ang aking nasimulang pakikipaglaban laban sa maling pananaw ng mga tao sa mga katulad ko. Ang aking laban ay inaari kong hindi lang akin, kundi laban ko at ng lahat ng mga itang katulad ko. Kung susuko ako‘y, para ko na ring isinuko ang aking buhay at pagkatao laban sa mapanuring mata at mapang-husgang tao ditto sa patag.

“Naintindihan nyo ba ang ating aralin ngayon? May mga katanungan ba kayo o mga gustong idagdag?

Nagtaas ako ng kamay at tumayo. Kasabay ng muling pagbaling ng mga mapanghusgang mata ng aking mga kaklase ay nagsalita ako.

“Naintindihan ko po ang ating aralin mam. Ang hindi ko  lang po maintindihan ay kung bakit marami pa rin at meron pa ring mga kababayan natin ang  hindi makaintindi na lahat tayo ay mga Pilipino, magkakapantay anuman ang kulay at hitsura. Sa paningin ng Diyos, walang mataas o mababa sa atin, nilikha tayong kawangis Niya. Nakalulungkot po talaga ang pangyayaring ito.”

“Totoo pong isa akong ita. Maitim ang balat, kulot ang buhok, sarat ang ilong at pandak. Hindi ko po ito ikinahihiya kahit marami ang natatawa at nanlalait sa akin at sa mga katulad ko. Bakit?  Dahil alam ko at naniniwala na mas dapat mahiya ang mga taong ito, na sila ang dapat pagtawanan dahil hindi sila makaunawa at ang mas masaklap, ayaw nilang umunawa.”

Ang mga matang nag-uusig kanina ay naramdaman ko na lamang na tumitig pababa, ang mga nahihinang tawanan ay bigla na lang naglaho.

Kanina, kung ang pakiramdam ko ay parang isang kandilang unti-unting nauupos, ngayon, hindi na. Pakiramdam ko ngayo’y para akong kandilang nasindihan at ngayoy buong ningning na nagliliwanag.