Ngayong araw ang unang taong anibersaryo ng kamatayan ni Pangulong Cory. Eksakto isang taon ang nakararaan ng sulatin ko ang tulang ito bilang pagpupuhay sa kanya.
“Matulog kang mahimbing sa piling ni Bathala
Ipikit iyong mga mata’t huwag ng mangangamba
Mahimlay kang mapayapa sa awit ng mga musa
Ika’y magpahinga’t huwag ng mabahala.
Lumipad kang malaya sa dulo ng bahaghari
At kulayan ng matingkad ang buhay na iwi.
Maglaro ka’t maglibang sa iyong bagong palasyo
Mamuhay kang masaya sa iyong bagong paraiso.
Ngayong wala ka na’t sa ami’y namaalam
Alaala mo sa ami’y hinding-hindi mapaparam.
Ngayong wala ka na’t sa ami’y lumisan
Anghel ka ngayong sa ami’y di na lilisan.”
Ipinakilala ka sa amin
ng mga aklat sa kasaysayan
na asawa ng bayaning si Ninoy
na kumalaban
sa diktaduryang rehimen
na kauna-unahang babaeng pangulo ng bansa
na babaeng nakadilaw.
Nakilala kitang nagliliwanag,
nagniningning
tulad ng dilaw mong damit
naging liwanag ka’t
naging tanglaw
na pumunit sa karimlan.
Sa iyong mga laban
kasama ang mga Pilipino
itinaboy mo ang mga halimaw
napaatras
ang mga punglo at kanyon
gamit ang iyong rosaryo’t dasal
giniba ang bartolina
pinalaya ang kalayaan
namayagpag ang demokrasya
nagkadangal ang mga Pilipino.
Libu-libo
milyun-milyon
laksa-laksa
sa iyong paglisan
lahat ay lumuluha
lumuluha kahit langit
naninimdin, nagdadalamhati
nagtatamong kung bakit ikaw pa
napapaisip kung bakit ngayon pa.
Salamat Pangulong Cory
sa pamana ng kalayaan.
Salamat Tita Cory
sa handog na demokrasya.
Namatay kang nakikipaglaban
sa kanser na iyong karamdaman
humimlay kang mapayapa
magpahinga kang matiwasay.
Ngayong wala ka na…
Mabubuhay kaming patuloy na makikipaglaban
Sa kanser ng lipunang matagal mo ng kinakalaban.