(Mula sa mata at karanasan ng isang bata, isang paglalarawan, pagsasalaysay, pagbubuod sa mga panahong umalis ang kanyang minamahal na nanay Gloria para mangibang bansa sa panahon ding ang pangulo ng bansa ay isa ring Gloria. Unang nalathala sa pahayagang pampaaralan na “BINHI,” Hunyo-Oktubre 2008 na isyu. Ang paghuhusga ay iniiwan ko sa mga mambabasa)

Pitong taong gulang ako nang mangibang bansa si nanay. Pitong taon na siya duon. Pitong taon na rin si Pangulong Gloria sa Malakanyang. Sabi ng mga kabarangay namin, pitong taon na raw silang hindi nakatitikim ng glorya, pitong taon taon na rin naming hindi kapiling si nanay Gloria.

Hindi lingid sa aming magkakapatid kung bakit kailangang mangibang bansa si nanay. Noong una, nahihirapan kaming sa pagkawala ni nanay, nahihirapan kami dahil sa nasanay kaming nandiyan lang siya palagi, pero wala naman kaming magagawa kundi ang intindihin, unawain at tanggapin ang katotohanan.

Lumipas ang mga taon, ramdam namin ang bunga ng paghihirap ni nanay. Naranasan naming magpasko ng may masarap na pinagsasaluhan. Ang dati’y maliit naming bahay ay lumaki at naging kongkreto. Nakapag-aaral na rin kaming magkakapatid na hindi inaalala kung may babaunin ba kami sa pagpasok.

Umaasenso na nga ang aming buhay pero kabaligtaran naman ito ng aming mga kapitbahay at kabarangay.
Habang kami ay umaangat sa buhay, tila naman unti-unting lulumubog sa kahirapan ang aming mga kabarangay dahil sa pagtaas ng halaga ng mga bilihin. Yung iba ay natanggal sa trabaho, at yung iba ay napipilitan ng gumawa ng hindi maganda para lang may makain.

Ilang beses ko na ring narinig ang mga himutok nila.

Sabi nila, lalo raw silang naghirap ng maging pangulo si GMA, ang gloryang inasahan daw nilang malalasap ay hindi nangyari. Naiinggit raw sila sa amin at napakasuwerte raw namin.
Napapailing ako kapag naririnig ko ang mga litanya nilang ito.

Paano ko ba ipaliiwanag sa kanila na mali ang kanilang inaakala? Paano ko ba ipaiintindi sa kanila na higit sa kanila, na higit sa sinupaman, kami ang mas nawalan ng glorya sa pag-alis ng aming nanay Gloria? Gusto kong sabihin sa kanila na hindi ko ipagpapalit ang marangyang buhay na tinatamasa ko ngayon kung ang kapalit naman nito ay ang nanay Gloria ko.
Pitong taon na raw silang hindi nakakatikim ng glorya, pare-pareho lang naman kami a. Sabi pa ng aming mga kabarangay, siguro sa 2010, kapag umalis na si Pangulong Gloria sa Malakanyang, saka palang sila aasa ng glorya.


Noong huli kaming mag-usap ni nanay Gloria sa telepono, sabi niya, dalawang  taon na lang daw siya duon, baka sa 2010 ay uuwi na siya ng bansa para magkakasama-sama kaming magkakapamilya.

Hay, dalawang taon pa akong maghihintay, dalawang taon pa rin ang ipaghihintay naming magkakabarangay sa gloryang pinakaaasam-asam namin.