Nakagawian ko ng tanungin ang aking  mga estudyante kung ano ang dahilan ng kanilang pag-aabsent sa klase.  Sa nakagawian ko ng ito, mistulang  nakasanayan na ng mga bata kung ano ang sasabihin o idadahilan para lang mapaniwala ako sa kanilang mga alibi.

Kesyo sumakit ang ulo, tiyan, ngipin, nagtatae, nahihilo, sinisikmura at kung anu-ano pang sakit at sakit-sakitang pwedeng idahilan, sabi ko nga sa kanila baka maubusan sila ng bahagi ng katawan na sasakit at huwag naman sanang dumating ang panahong idahilan nilang sumakit ang kanilang mga buhok. (dahil nagpagupit, nagpaunat, nagpakulot, nagpakulay, nagpa-rebond o nagpa-relax)

Hindi rin siyempre nawawala ang mga madamdaming kadahilanan na nag-away ang nanay at tatay (naging reperi marahil), pinabantay ang mga kapatid na maliliit (caregiver malamang paglaki), namatay ang isang mahal sa buhay (sa susunod kapag namatay ang aso o pusa malamang mag-absent din. Minsan gusto kong sabihing mabubuhay ba yung patay sa pagdalaw niya kaya lang hindi naman tama yun, pero malapit ko ng masabi, isa na lang)

Hindi naman ako siyempre nagpapaloko sa  kanila. (ako pa? alangan namang aamin ako) Sabi ko nga sa kanila, alam ko kung nagsasabi sila ng totoo. (kulang na lang sabihin kong me mahiwaga akong salamin at nakikita ang kanilang ginagawa. Naalala ko tuloy ang titser ko sa kinder – ito ang estratehiya niya sa amin nuon – hindi ko ngayon maisip na nauto ako,naisahan ako dun a, pero in fairness, kadalasan naman totoo ang dahilan nila, may mangilan-ngilan lang na nagdadahilan).

Kamakailan, sinabi ko sa kanila na mas mabuting magsabi sila ng totoo dahil mas maiintindihan ko iyon. (hindi  lang sa pag-aabsent kundi sa lahat ng bagay – na naman- siyempre alangan sabihin kong hindi ko sila maiintindihan). Banat ko madalas ito kapag may gusto akong palabasin o hulihin. Iniipon ko madalas ang lahat ng lakas loob na magpakabait-baitan at magmistulang sugo ng langit kapag ito  na ang linya ko. (hindi naman ako nagtutunog Mike Velarde o Eli Soriano marahil)

FAST FORWARD: Kanina, tinanong ko ang isang bata kung bakit siya absent. Madalas mag-absent talaga ang batang ito (favorite hobby niya ito, favorite subject niya rin marahil at ako ang favorite titser niya)

“Bakit ka absent kahapon? Magsabi ka ng totoo?’

At anak ng tinapang nagkulang sa asin at pagpapausok naman oo. Ito ang isinagot sa akin.

“Hindi po ako pumasok kasi tinatamad po akong pumasok.”

At talaga namang nagsabi ng totoo ang batang ito. Napakatapat. Gusto ko siyang awardan ng ‘Most Honest’ at bigyan ng medalyang isang kilo ang bigat. Hindi ko alam kung matutuwa ba ako o magagalit? Tama bang dahilan yun? (naisip ko tuloy sana  nagdahilan na din siya, jeje) Pero teka lang, pwede ko bang isiping pakonswelo de bobo ko na lang sa aking sarili ang pagsasabi niya ng totoong dahilan ng pag-aabsent niya? (At least honest siya. At least effective ang panenermon ko)

Kinalaunan, hindi ko na lang masyadong pinagtuunan ng pansin ang kanyang sinabi (e ano pa ba ang sasabihin ko?) Ang sabi ko na lang, sana’y hindi siya magsisi kung tamarin din akong bigyan siya ng pasadong grade dahil sa pag-aabsent niya.

FASTER FORWARD: Ngayon, hindi pa siya ulit umuulit mag-absent. (natakot atang bumagsak. dapat lang!)

FASTEST FORWARD: Bibigyan ko siya ng pasadong marka para sa ibang grade level naman siya magsabi ng totoo kapag nag-aabsent siya….

Advertisements